Dagupan City Mayor Fernandez, umaasa na maaprubahan na ng 7 majority ang 2023 proposed supplemental budget

Dagupan City Mayor Fernandez, umaasa na maaprubahan na ng 7 majority ang 2023 proposed supplemental budget

HINDI sumipot sa isinagawang session ng Sangguniang Panlungsod ang seven majority para sana talakayin at aprubahan ang proposed supplemental budget para sa mga programa at proyekto ng Dagupan City na kailangan nang maimplementa bago pa man magtapos ang taong 2023.

Nakapaloob sa proposed supplemental budget ang tatlong items kabilang ang bunos para sa mga empleyado ng gobyerno, mga kagamitan para sa waste management at disaster preparedness.

Personal na dinaluhan ang nasabing session ni Mayor Belen T. Fernandez para ipresenta ang mga programa at proyekto na kinakailangan nang maaprubahan ngunit ikinalungkot nito ang hindi pagdalo ng seven majority.

“And I’m very sad that the other councilors will not able to make it because they’re on leave or they’re not around. I am not expecting also that they are not around today because I think I just came to know and I am here to know that they are on leave,” pahayag ni Mayor Belen T. Fernandez, Dagupan City.

Pahayag ni Fernandez, tanging ang pag-apruba na lamang ng mayorya ng Sangguniang Panlungsod ang kailangan upang maisakatuparan na ang mga programa at proyekto para sa kapakanan ng Dagupeños sa lungsod.

Dahil sa lack of quorum, ay maagang nag-adjourn ang session na sinundan naman ng executive & legislative caucus kasama ng Department of Health (DOH) Center for Development One para pag-usapan ang isa ring napakahalagang proyekto ng Mother and Child Hospital.

Ang Mother and Child Hospital ay may pondong P150-M na donasyon ng DOH sa Dagupan at hindi maisakatuparan ang pagtatayo rito kung walang apruba mula sa seven majority.

Ayon kay Mayor Fernandez, napakahalaga ng Mother and Child Hospital para sa mga kapus-palad partikular na sa mga nagbubuntis na ina at senior citizens ngunit tila iniipit ito ng mayorya.

Nagbigay naman ng pahayag si Vice Mayor BK Kua at Councilor Michael Fernandez kaugnay sa kahalagahan ng nasabing ospital.

“Ang Mother and Child Hospital po ay malaking tulong lalong-lalo na po sa ating mga nangangailangan dito sa ating syudad pati na rin po ang Tri-Ferry System malaking tulong po sa ating ekonomiya ng syudad,” saad ni Vice Mayor BK Kua, Dagupan City.

“Nabanggit din po ni City Secretary kanina na may mga kasamahan tayong nagkasakit the more the reason na talagang kailangan natin ng karagdagang ospital para sa mga taga-Dagupan dahil ang sakit walang pinipili mayaman ka man o mahirap, bata ka man o matanda,” ayon kay Councilor Michael Fernandez, Dagupan City.

Sa isang presscon ani Fernandez na babalik ang pondo sa Department of Budget and Management (DBM) kapag hindi ito naaprubahan ngayong taon kaya napakasayang aniya kung tuluyan itong hindi maaprubahan.

“It’s very practical and realistic na kailangan nating tulungan ‘yung mga nanay ano pa bang iisipin nyo dyan.

Nasa kanila na ‘yan nanay din sila, tatay din sila. Do you know how important the mother is alam na nila yan so nasa kanila na ‘yan konsensya na nila. Sabi ko nga if their doors are open ako may doors and windows are open for the people of Dagupan,” ayon kay Mayor Belen T. Fernandez, Dagupan City.

Kabilang din sa ipino-proposed ni Mayor Fernandez ang Tri-City Ferry System sa pamamagitan ng public-private partnership kasama ng Alaminos City at San Fernando City, La Union.

“The Tri-Ferry is a project of Mayor Al Fernandez before. Bumalik ako ng mayor we went to the Regional Development Council and we presented it there and it was approved. In favor din ako sa public-private partnership bahala na mag-decide ang national kung sino ang kukunin nilang partner for our Tri-Ferry.”

“Saan kayo nakakita all opportunities are here for our people a city hall, a mother and child, Tri-Ferry nandyan na lahat,” dagdag ni Fernandez.

Kung sakali mang tuluyang hindi maaprubahan ang proposed supplemental budget, ay hindi pa rin mawawalan ng pag-asa si Fernandez sa pagpapatayo ng Mother and Child Hospital at ang Tri-City Ferry System dahil magagawan pa rin aniya ang mga ito ng paraan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble