PINANGUNAHAN ni Dagupan City Mayor Belen Fernandez ang panunumpa sa katungkulan ng mga bagong halal na opisyal ng Barangay at Sangguniang Kabataan nitong, Nobyembre 8, 2023 kasabay ang panawagan ng pagkakaisa upang maabot ang layunin na ikauunlad ng siyudad.
Sa isang panayam matapos ang isinagawang oathtaking ng bagong Barangay at SK officials, ibinahagi ni Mayor Belen Fernandez na meron itong inadopt na United Nation sustainable development goal kaya naman ay may hamon ito sa mga nasabing opisyal kaugnay sa kanilang mga layunin sa barangay.
“Sa lahat ng mga nanalo na mga SK Barangay officials chairman up to the mga kagawad, I’m extending my hand, gusto kong maging united tayo upang ma-achieve natin ‘yung goal for our city. Nabanggit ko na rin minsan na we adopt the United Nation sustainable development goal and I am challenging them pagkameron silang inadopt na goal tatapatan ko po ‘yung budget nila,” ayon kay Mayor Belen T. Fernandez, Dagupan City, Pangasinan.
Ikinatuwa naman ni Mayor Fernandez na nasa 98 porsiyento ng mga barangay kapitan ay nakikita niyang makikiisa sa kaniyang programa kabilang ang ‘Unli Serbisyo’ para sa mas mabilis na paghatid ng serbisyo sa barangay.
May bilin naman si Mayor Fernandez sa mga SK officials na maging katuwang ang mga ito sa paghahanap ng mga mahihirap na estudyante na kuwalipikadong maging iskolar ng bayan sa kani-kanilang barangay.
“Sabi ko nga sa kanila, kayo maghanap ng mga mahihirap na kabataan na gusto nating tulungan. I-prayority niyo ‘yan at ipa-priority ko rin isasama ko sila sa mga qualified na SK na bibigyan ng scholarship,” dagdag ni Mayor Fernandez.
Ani mayora, nakapagbigay na sila ng payroll sa 954 scholars kamakailan at mag-i-interview pa ito ng karagdagang 600 scholars para maisulit ang P200-M pondo para sa scholarship program ng lungsod ngayong taon.
Positibo naman si mayora sa mga bagong SK official na susundin at gagamitin ng mga ito ang mga pagsasanay na ibinigay sa kanila kabilang ang budgeting, legal matters, practical procedures, at iba pa.
“So, palagay ko very attentive naman ‘yung mga bata. Palagay ko this will be one of the best group of SK na na-elect ngayon and I’m happy working with them. Sinabi ko na sa kanila ‘yan excited na akong makatrabaho sila,” ani Mayor Fernandez.
Samantala, bilang representante ng mga kapitan ay ipagpapatuloy at ipaglalaban ni Councilor at ABC President Marcelino Fernandez ang mga Infrastructure Project ng 31 barangays, scholarship programs, at development funds.
“Ganun pa rin ipagpapatuloy natin ‘yung, ipaglalaban natin, ‘yung ating mga Dagupeños especially ang mga pangangailangan nila sa scholar, mga Infra Project ng 31 barangays, at 20% development fund kailangan nating ipaglaban para ‘yung progreso ng 31 barangay ay tuluy-tuloy,” ayon kay Councilor Marcelino Fernandez, ABC President, Dagupan City.
Nakatitiyak din si Marcelino na ang buong suporta ng mga barangay kapitan ay kay Mayor Belen Fernandez.
Ang naihalal na SK chairman na si Bradley Claude Benavides, inihayag din ang buong suporta para kay Mayor Fernandez.
Aniya bata pa lamang siya ay may mga programa na ang mayora para sa mga kabataan at isa na rito ang Children’s Summit na nagpapatuloy hanggang ngayon pati na ang scholarship program ng mga kabataan.
Balak naman ni re-elected Bonuan Gueset Brgy. Captain Manuel Bumanglag na tapusin ang lahat ng mga programang hindi pa natapos noong nakaraang termino partikular na ang trapiko ng kaniyang lugar na nais nilang ayusin.
“Ang kailangang gawin sa barangay i-ayos po namin kasi alam niyo ang andyan ‘yung lagusan ng mga negosyante, andyan ‘yung mga malalaking business kaya unang-una ang traffic gusto naming iayos pagbalik namin,” ayon kay Bonuan Gueset, Brgy. Captain Manuel Bumanglag, Dagupan City.
Dagdag ni Bumanglag, sa limang taon niya sa serbisyo bilang barangay captain ay makikita ng mga tao ang progreso at asenso ng barangay at dadagdagan pa ang ginagawang serbisyo-publiko.
Agaw-pansin naman sa isinagawang BSK oathtaking ang isang babaeng unano na naging unang SK Kagawad.
Payo rin ni Mayor Fernandez sa lahat ng mga hindi nanalo sa nakaraang BSK Elections partikular na sa mga kapartido nito na magpatuloy sa pagbibigay serbisyo sa kapwa kahit hindi bilang opisyal para sa ikauunlad ng kanilang barangay.