INIHAYAG ni Taguig City Mayor Lani Cayetano na patuloy pa nilang binubuo ang database ng senior citizens sa 10 EMBO barangays sa pamamagitan ng mga impormasyon na nakukuha nila sa mga lider ng komunidad.
Ayon din sa alkalde, wala pang proper turn over ang Office of the Senior Citizen’s Affairs (OSCA) ng Makati sa Taguig at hindi na nila gustong maghintay para simulan ang mga programa para sa mga senior citizens sa 10 EMBO barangay.
Ani Cayetano, una na nilang ipinangako sa senior citizens na residente ng EMBO barangays na magiging bahagi na sila sa mga programa ng Taguig LGU partikular na sa mga matatanda simula nang nagdesisyon ang Korte Suprema na magiging bahagi na sila ng lungsod ng Taguig.
Ang pahayag ng ina ng lungsod ay kasabay sa isinagawang kick-off ceremony ng house-to-house distribution ng birthday cash gift sa senior citizens ng EMBO barangays na nagdiwang sa buwan ng Agosto.
Kung saan makatatangap ang mga nabanggit na senior citizens mula 3 to 10 libong piso o depende sa kanilang edad.
Nilinaw rin ni Mayor Lani na hindi pa napapanahon sa ngayon ang gumamit ng electronic system ang sa senior citizens para tumanggap ng mga angkop na benepisyo mula sa pamahalaang lungsod ng Taguig.