DIRETSAHANG sinabi ng dating kongresista at ngayo’y mayoral candidate ng Plaridel, Misamis Occidental na si Engr. Diego “Nonoy” Ty na hindi siya sang-ayon sa pagpapatalsik kay Vice President Sara Duterte.
Sa isang press conference, ipinaliwanag niya ang kaniyang paninindigan at binigyang-diin na kahit maisakatuparan ang impeachment, wala naman umanong magbabago sa bansa dahil limitado ang aktwal na tungkulin ng Bise Presidente—maliban sa pagiging kahalili ng Pangulo.
“Hindi magagamit kasi kalimitan ang impeachment para kasi ‘yan sa Presidente. Dahil sa panahon na ma-impeach mo ang Presidente, magbabago ang management, lahat—magbabago ang mga secretary, magbabago ang lahat. Pero kung i-impeach ninyo ang Vice President, wala ring mangyayari kasi ang Vice President wala namang function. Kaya nga sinabi ni Vice President noon na designated survivor lang siya—kung may mangyari sa Presidente, siya ang ipapalit,” wika ni Diego “Nonoy” Ty, Former Congressman, Dist. 1, Misamis Occidental.
Bagamat kinikilala niyang bahagi ng kapangyarihan ng Kongreso ang impeachment, naniniwala siyang mas makabubuting hintayin ang resulta ng imbestigasyon ng Commission on Audit (COA) bago gumawa ng anumang hakbang.
“May karapatan ang Kongreso na mag-imbestiga, pero dapat sana’y hinintay muna ang desisyon ng Commission on Audit kung talagang may pagkakasala si Vice President—kung ginamit ba talaga niya nang mali ang pera. Hindi hinintay ng Kongreso ang desisyon ng COA,” ani Ty.
At kung siya mismo ang nasa posisyon, walang pag-aalinlangan ang kaniyang sagot—hindi siya kailanman pipirma sa impeachment ni VP Sara Duterte, dahil naniniwala siyang ito’y isang hakbang na hindi makabubuti sa bansa at wala ring konkretong pagbabago na maidudulot sa gobyerno.
“Pero kung ako ang inyong tatanungin, kung ako pa ang Congressman, boboto ba ako sa impeachment? Ang sagot ko, sa totoo lang—hindi ako boboto. Hindi ako pipirma,” aniya pa.
Samantala, binigyang-linaw rin ni Ty ang usapin tungkol sa intelligence fund at kung paano ito ginagamit.
Ayon kay dating Kongresista Diego “Nonoy” Ty, bahagi na ng operasyon ng halos lahat ng siyudad sa bansa ang pagkakaroon ng intelligence fund.
Paliwanag niya, ang pondong ito ay nakalaan para sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan. Halimbawa, sa mga kaso ng ilegal na droga, kailangang magsagawa ng buy-bust operation ang mga pulis upang mahuli ang mga pusher. Ngunit aniya, hindi ito magiging posible kung walang sapat na pondo para sa operasyon.
Dahil dito, iginiit niya na tama lamang ang naging desisyon ni Vice President Sara Duterte na huwag ibunyag ang totoong pangalan ng mga tumanggap ng intelligence fund upang maprotektahan ang kanilang seguridad.
“Hindi mo puwedeng sabihin ang totoong pangalan ng iyong intel o espiya dahil kapag ginawa mo ‘yan, papatayin sila ng kanilang isinumbong. Kaya may mga pangalan na ‘Piatos’ o ‘Marry Grace’—para protektahan sila,” giit nito.
Samantala, hinimok na ng prosekusyon ng Kamara si Senate President Chiz Escudero na mag-isyu ng writ of summons upang utusan si VP Sara Duterte na tumugon sa mga artikulo ng impeachment na inihain laban sa kaniya.