HINDI komprontasyon kundi nais lamang na makausap ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ukol sa imbestigasyon sa Sonshine Media Network International (SMNI) na nag-ooperate sa bisa ng prangkisa ng Kongreso sa Swara Sug Media Corporation.
Ito ang inihayag ni dating Pangulong Duterte sa isang press conference kasama ang mga miyembro ng media sa Davao noong Sabado.
Giit ng dating Pangulo, hindi siya pinakiusapan ni Pastor Apollo C. Quiboloy ukol dito pero nais niyang tulungan ito dahil apektado rin aniya ang kaniyang programa na “Gikan sa Masa, Para sa Masa”.
“Kasi nadali ‘yung aking “Gikan sa Masa”, isali ko na lang ‘yung akin kasi ‘yun ang importante sa akin ‘yung [programa]. I do not want to confront the President but I’d like to talk to him indirectly kung bakit gano’n. Ako, as far as I am concerned, I have not crucified him, not even criticize him severely, maybe commented on the directions that the government is proceeding,” pahayag ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte, Republic of the Philippines.
Hindi sang-ayon si dating Pangulong Duterte sa National Telecommunications Commission (NTC) dahil wala naman aniyang anomalya na nakita ang ahensiya sa gobyerno sa SMNI.
“Sa tinuod lang ang NTC wala man silang nakitaan- they have not come up any allegations or charge of any wrongdoing.”
“Wala ko’y nakitaan na naay gisunod na wastong procedure, wala akong nakitang procedure na tama na sinunod,” ayon pa kay FPRRD.
Ayon pa sa dating Pangulo, posibleng maglabas siya ng opisyal na pahayag ukol sa isyung ito sa mga susunod na araw.
“One of these days siguro I will come up with a statement not necessarily defending Pastor Quiboloy but just to say something about the way things are,” ayon sa dating Pangulo.
Samantala, ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil, bukas ang Malakanyang para sa nais ni dating Pangulong Duterte na pakikipagdayalogo sa Pangulo.
Ani Garafil, palaging available si Pangulong Marcos sa dating Pangulo.
“President Marcos is always available to former President Duterte. The President will contact him now to ask if he wants a meeting,” saad ni Sec. Cheloy Garafil, Presidential Communications Office.
Matatandaan na ang NTC ay nagpataw ng 30 araw na suspensiyon sa SMNI dahil sa mga alegasyon ng paglabag sa termino at kondisyon ng prangkisa nito.