Dating pulis na nanutok ng baril sa isang siklista sa QC, hindi rehistradong may-ari ng minamanehong sasakyan

Dating pulis na nanutok ng baril sa isang siklista sa QC, hindi rehistradong may-ari ng minamanehong sasakyan

VIRAL sa social media ang ginawang pananapak at panunutok ng baril ng isang dating pulis sa isang siklista sa Quezon City.

Makikita sa viral video ang pagbaba mula sa driver seat ng lalakeng kinilalang si Wilfredo Gonzales at galit na sinapak pagkatapos ay tinutukan ng baril ang siklista.

Pero napag-alaman ng Land Transportation Office (LTO) na hindi pala si Gonzales ang rehistradong may-ari ng sinasakyan nitong Kia Rio na may plakang ULQ 802.

“Since ‘yung driver ay lumabas na sa publiko, he should expect that the LTO will summon him to explain why the privilege that the government gave him to own a driver’s license should not be revoked as part of the due process” saad ni Asec. Vigor Mendoza II, Chief, Land Transportation Office.

Dahil dito, ang nakarehistrong may-ari ng sasakyan ay pinapaharap sa LTO sa katapusan ng Agosto.

Ito ay upang pagpaliwanagin kung bakit iba ang nagmamaneho ng kaniyang sasakyan.

At kung ito ba ay naibenta na, ipinahiram o kung ano man ang sirkumstansiya kung bakit iba ang nagmamaneho nito.

“Kaya tuloy ang Show Cause Order upang mabigyan tayo ng paliwanag ng registered owner kung bakit iba ang nagmamaneho ng sasakyan niya. Gusto nating malinawan kung naibenta na ba niya ito, ipinahiram lang o kung ano pang circumstances kung bakit iba ang nagmamaneho nang mangyari ang viral na insidenteng ito,” dagdag ni Mendoza.

May dalawang paglabag naman ang nakikita ng LTO chief sa pangyayari.

Ito ay may kinalaman sa Republic Act 4136, o ang Land Transportation and Traffic Code.

Una ay ang Section 20 o Improper Person to Operate a Vehicle at Section 48 o Reckless Driving.

Inaatasan naman ang rehistradong may-ari ng sasakyan na magsumite ng notarized affidavit na nagpapaliwanag kung bakit hindi dapat magpataw ng sanction kaugnay ng insidente.

Samantala, nirekomenda naman ng LTO na ilagay ang naturang pulang Sedan sa under alarm.

“Pending the resolution of this case, I have already approved the recommendation to place this Kia Rio with license plate ULQ 802 to be placed under alarm effective immediately,” aniya.

Dagdag pa ng LTO chief na ipinaalam umano ni Gonzales na nagkaayos na sila ng nakaalitang siklista.

Dagdag pa ni Asec. Mendoza, kahit na nagkaayos na umano ang abusadong driver at siklista, hindi pa rin maisasantabi nito ang posibilidad na may nalabag din ito.

Ito’y lalo’t nakita sa viral video na sinaktan nito ang siklista at kinasahan pa ng baril.

Nakatakda ring padalhan ng summon ng LTO si Gonzales para magpaliwanag sa kung bakit hindi siya dapat tanggalan ng pribilehiyo ng gobyerno na nagbigay sa kaniya ng driver’s license.

Umaasa ang opisyal ng partisipasyon ng mga ito sa imbestigasyon na gagawin ng LTO upang magkaroon ng mabilis at patas na pagdinig sa kaso.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble