Dating Top 3 Man ng PNP na idinadawit sa 990kg Ops noong 2022, itinanggi ang mga paratang

Dating Top 3 Man ng PNP na idinadawit sa 990kg Ops noong 2022, itinanggi ang mga paratang

MARIING itinanggi ni PLtGen. Benjamin Santos Jr., dating deputy chief for operations ng PNP ang kaniyang involvement sa umano’y cover-up sa kaso ni Police Master Sargeant Rodolfo Mayo.

Sa isang pulong balitaan, inihayag nito na wala siyang kinilaman sa operasyon dahil napag-utusan lang umano ito ni PNP chief Rodolfo Azurin, Jr. na tignan ang sitwasyon kung naipatupad ba ang standard procedures ng operasyon.

Hindi rin umano alam ni PLtGen. Santos na nahuli ng PDEG ang suspek na si Mayo.

Ang nasabing pahayag na ito ni Santos ay taliwas sa naunang sinabi ni PBGen. Narciso Domingo at PCol. Julian Olonan na alam umano ng mga matataas na opisyal na gagamitin nila si Mayo sa operasyon bilang tactical move sa kagustuhang makuha ang mas maraming shabu sa Pasig na ikinanta umano ni Mayo.

Sinabi pa nina PBGen. Domingo at PCol. Olonan na malinis ang kanilang konsensiya dahil sila mismo ang nagbigay ng kopya ng CCTV at kung meron man umano silang itinatagong anomalya ay baka hindi na nila ibinigay ang kopya nito.

Ayon kay Santos, hindi dumaan sa due process ang ginawa ng kalihim sa pagdawit sa kaniya sa nasabing kontrobersiya.

Hindi umano siya nabigyan ng pagkakataon ng kalihim upang maipaliwanag ang kaniyang sarili.

Matatandaan na una nang hiniling ni Interior Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos, Jr. ang pagsusumite ng leave of absence ng ilang mataas na opisyal dahil sa umano’y cover-up sa 6.7 bilyong pisong halaga ng shabu na nakumpiska sa Maynila noong Oktubre 2022.

Kabilang na dito ang dating director ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG) na si PBGen. Narciso Domingo.

Samantala, ayon kay PNP Public Information Office chief PCol. Redrico Maranan, sa Lunes, Abril 17 ay haharap sa media si Azurin upang sagutin ang mga katanungan sa pagkakaugnay ng ilang matataas na opisyal ng PNP sa nasabing kontrobersiya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter