NAGLAAN ang Department of Budget and Management (DBM) ng P15.3-B sa FY 2024 proposed national budget para sa Department of Migrant Workers (DMW).
Ito ang inanunsiyo ni DBM Secretary Amenah Pangandaman kung saan layon aniya ng naturang pondo na makapaghatid ng mas malaking tulong at proyekto para sa mga migranteng manggagawang Pilipino.
Sinabi ni Pangandaman na kasama sa panukalang budget para sa susunod na taon ay ang pondo para sa OWWA Emergency Repatriation Program (ERP) na may alokasyon na P9.7-B para matulungan ang mga OFW na sapilitang pinapauwi.
Samantala, pinaglaanan naman ng P9-M dagdag ang pondo ng Balik Pinas, Balik Hanapbuhay Program (BPBH), na tumanggap ng P440.115-M sa 2024 National Expenditure Program (NEP).
Isang pakete ng livelihood support ang BPBH na naglalayong magbigay ng agarang tulong sa nagbabalik na overseas Filipino workers (OFWs).
Nilalayon din ng programa na magbigay ng entrepreneurship development training at cash assistance na nagkakahalaga ng P20,000 bilang start-up o karagdagang kapital.
Pahayag ng DBM, ang mga proyektong ito ay naaayon sa pangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na isulong ang interes ng mga migranteng manggagawang Pilipino at protektahan ang mga ito sa mga sitwasyon ng krisis.
Maliban dito, may karagdagang P227.995-M ang inilaan sa Tulong Pangkabuhayan sa Pag-Unlad ng Samahang-OFWs (TULONG PUSO) na layong suportahan ang pagbuo, pagpapahusay, o pagpapanumbalik ng mga proyektong pangkabuhayan ng OFW organizations.
Palalakasin din ang mga pamilya ng OFWs sa paghahanapbuhay sa pamamagitan ng mga negosyo na magbibigay sa kanila ng tuluy-tuloy na kita, sa tulong ng P18-M na inilaan sa OFW Enterprise Development and Loan Program (EDLP).
Alinsunod sa Republic Act No. 10801, ang EDLP ay isang enterprise development intervention ng OWWA katuwang ang Land Bank of the Philippines (LBP) at ang Development Bank of the Philippines (DBP), na nagpapahintulot din sa mga pamilya ng OFW na lumikha ng mga oportunidad sa trabaho sa kanilang komunidad.