IDINEKLARANG walang bisa ng Court of Appeals (CA) ang desisyon ng Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) na nag-absuwelto kay Leila de Lima sa kaniyang illegal drugs case.
Sa desisyon ni Associate Justice Eleuterio Bathan ng CA 8th division, idineklara niyang nag-abuso ng kapangyarihan ang RTC judge nang i-absuwelto nito si De Lima batay lamang sa pagbawi ng testimonya ni dating Bureau of Corrections Chief Rafael Ragos, na noo’y saksi ng prosekusyon.
Partikular pa na binanggit ng CA, nabigo ang RTC na tukuyin ang mga detalyeng binawi ni Ragos kaugnay sa mga napatunayan na ng prosekusyon laban kay De Lima.
Sinabi rin ng CA na nabigo ang hukom ng RTC na ipaliwanag kung aling elemento ng krimen ang hindi napatunayan ng prosekusyon.
Dahil dito, ibinalik ng CA ang kaso sa RTC upang ito ay muling dinggin at pagdesisyunan alinsunod sa mga patakaran.
Noong Mayo 2023, inabsuwelto ng RTC sina De Lima at Ronnie Dayan sa kasong pakikipagsabwatan sa kalakalan ng ilegal na droga sa loob ng New Bilibid Prison.
Bago naman bawiin ni Ragos ang kaniyang testimonya, sinabi nito na naghatid siya ng kabuuang P10M sa bahay ni De Lima noong Nobyembre at Disyembre 2012.
Sinabi nya na ang naturang pera na umano’y mula sa ilegal na bentahan ng droga ay gagamitin para pondohan ang kandidatura ni De Lima sa Senado.
Sa panig ni De Lima, handa aniya siyang umapela sa Supreme Court hinggil sa ruling ng Court of Appeals.