MAINAM na i-urong muna ang deadline para sa pag-aalis ng work-from-home (WFH) arrangement dahil sa patuloy na pagtaas ng transportation cost.
Dahil sa patuloy na bakbakan sa pagitan ng bansang Ukraine at Russia, patuloy din sa pagsirit ang presyo ng produktong petrolyo.
Ayon kay Senator Joel Villanueva, chairman ng Senate Committee on Labor and Employment, sapat na itong dahilan para bawiin ng pamahalaan ang ultimatum na tapusin na ang WFH arrangement.
Kasunod kasi ng pagtaas ng krudo ay nagbabadya ngayon ang pagtaas ng transportation cost.
Ginawa ni Villanueva ang pahayag kasunod na rin ng panawagan ng mga manggagawa mula sa BPO Industry na huwag ituloy sa March 31 ang pagtatanggal ng WFH arrangement.
“Yung conflict sa Ukraine, pinatataas ang presyo ng produktong petrolyo, kaya makatwiran naman ang ating apela sa pamahalaan na ma-extend ang deadline,” pahayag ni Villanueva.
Napag-alaman naman na ang Fiscal Incentives Review Board ay nagbantang tatanggalan ng fiscal incentives at tax perks ang mga BPO companies na hindi susunod sa direktiba.
Pero giit ni Villanueva, kung pupuwersahin ang mga manggagawa na bumalik sa opisina, ay nangangahulugang ang pera na nakalaan sa pagkain ay magagastos sa pagpunta lang ng opisina.
Giit din ng senador na kung may ayuda sa transport sector ay nararapat ding matulungan ang mga BPO na nagpapasok ng P1.5 trilyon sa ekonomiya ng bansa.
“Nais lamang nila na ituloy muna ang kanilang WFH arrangement. Hindi naman sila humihingi ng bagay na gagastusan pa ng pamahalaan,” ayon kay Villanueva.