NAKIPAG-partner ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa National Aeronautics and Space Administration (NASA) para pag-aralan ang kalidad ng hangin sa Metro Manila at mga kalapit rehiyon.
Ayon kay DENR Secretary Maria Antonio Yulo Loyzaga, nagsagawa ng pag-aaral ang NASA para tugunan ang usapin sa kalidad ng hangin sa rehiyon sa Asya at magiging bahagi aniya rito ang Pilipinas.
Magiging katuwang dito ng NASA ang mga engineer at air specialists ng Environmental Management Bureau (EMB).
Ang kasunduan na ito ay tinawag na Airborne and Satellite Investigation of Asian Air Quality (ASIA-AQ) na binubuo ng mga eksperto mula sa Estados Unidos, DENR, National Institute of Environmental Research (NIER) ng South Korea, Universiti Kebangsaan Malaysia, at Geo Informatics and Space Technology Development Agency ng Thailand.
Bukod sa DENR, magiging kabahagi rin ng kolaborasyong ito sa Pilipinas ang Philippine Space Agency, Manila Observatory, Ateneo de Manila University at ang University of the Philippines.