Department of Migrant Workers na tutulong sa mga OFW, tukoy na –OWWA

Department of Migrant Workers na tutulong sa mga OFW, tukoy na –OWWA

TINIYAK ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Atty. Hans Leo Cacdac na tukoy na ang ahensyang tutulong sa mga overseas Filipino worker (OFW) kahit saan man sa mundo matapos magkaroon ng bisa simula noong Pebrero 3, 2022 ang batas na lumikha sa Department of Migrant Workers (DMW).

Tiniyak ni Cacdac na mas madali na lang sa mga OFW kahit saang bansa sila naroon  na lumapit sa Department of Migrant Workers lalo na ngayong nagkaroon na ito ng bisa simula noong nakaraang linggo.

Ayon sa OWWA administrator, welcome development ang maitatag na ang DMW.

Ayon pa kay Cacdac, maraming magagandang elemento at mga batas na lalong magpapaigting sa mga bayaning manggagawa.

At ang OWWA aniya ang magiging malaking bahagi ng kagawaran na ito bilang attached agency for policy and program coordination purposes.

“Mas madaling tukuyin kung saaan lalapit ang ating mga OFWs ,lalo na yung mga pamilya ng OFW, na  nangangailangan ng tulong para sa kanilang  mahal sa buhay sa abroad ,tapos pag expand ng serbisyo ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagtatalaga ng migrant workers offices all around the world, kahit doon sa mga bansang  maliliit na bilang ng mga OFW, basta may OFW merong Philippine government ,meron migrant workers office sa embahada,” pahayag ni Cacdac.

Una nang sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Sarah Lou Arriola, inaasahan ngayong taon na maabot ang timeline sa pagbuo ng nasabing departamento.

Aniya, nasa desisyon ni Pangulo Rodrigo Duterte na magtalaga ng secretary at acting secretary anumang panahon.

Dapat aniyang mailabas sa Marso 5 ngayong taon ang Department Order at mailathala ang Implementing Rules and Regulations (IRR) sa Abril 8.

Susundan naman ito ng paglalagay ng mga tauhan sa Hunyo 3.

Magkakaroon ng isang taon na transition period bago mapasailalim ng DMW ang pitong ahensiya ng pamahalaan na kasalukuyang tumututok sa OFW affairs para hindi maantala ang pagbibigay ng mga ito ng serbisyo.

Kabilang sa mga ahensiyang ito ang Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs (OUMWA), International Labor Affairs Bureau (ILAB), National Reintegration Center for OFWs (NRCO), National Maritime Polytechnic, Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Office of the Social Welfare Attache (OSWA), lahat ng Philippine Overseas Labor Offices (POLOs).

Matatandaan na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong Disyembre ng nakaraang taon ang Republic Act 11641 kilala rin bilang ‘An Act Creating the Department of Migrant Workers’.

Layunin ng batas na mapabuti ang koordinasyon ng mga may kaugnayan na mga ahensya sa mga overseas Filipino workers sa loob at labas ng bansa.

Follow SMNI News on Twitter