MANANATILI ang deadline ng enrollment para sa School Year 2022-2023 hanggang Agosto 22 o sa unang araw ng pasukan lamang.
Ito ang inihayag ni Department of Education (DepEd) spokesperson Atty. Michael Poa sa Laging Handa public briefing.
Aniya, walang natatalakay ang DepEd kaugnay ng pagpapalawig ng enrollment.
“Sa ngayon po, wala pa po tayong extension na napag-uusapan. Sa ngayon, hanggang August 22 and deadline ng enrollment natin,” pahayag ni Poa.
Kaya naman, nananawagan si Poa sa mga magulang at guardian na i-enroll na ang kanilang mga anak.
“Hinihikayat pa rin natin ang ating mga magulang na hindi pa nakakapag-enroll na i-enroll na po agad ang kanilang mga anak. Huwag na po nating hintayin ‘yung August 22 na deadline,” ayon kay Poa.
Sa ngayon, nasa kabuuang mahigit 21 milyon ang bilang ng enrolled learners para sa nalalapit na pagbubukas ng klase.
Inaasahan ng DepEd na aabot sa 28.6 million ang enrollees ngayong academic year.
Samantala, inaasahan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na dadagsain ng maraming mga sasakyan ang EDSA sa unang araw ng face-to- face classes.
Ito ang sinabi ni MMDA Task Force Special Operations Chief retired Colonel Bong Nebrija sa kaparehong public briefing.
Aniya, posibleng aabot sa higit 400,000 na mga sasakyan ang dadagsa sa EDSA sa Agosto 22.
Sa gitna ng inaasahang trapik, mayroong itinalagang alternative routes ang MMDA, kabilang na rito ang 4 na tulay na nagtatawid sa mga motorista across Pasig River.
Nakiusap ang MMDA sa mga motorista na mag divert at gamitin ang mga nabanggit na alternatibong ruta o iyong mga tulay para makaiwas sa matinding trapik sa unang araw ng klase.