DepEd, palalakasin ang critical thinking sa mga paaralan vs. AI misinformation

DepEd, palalakasin ang critical thinking sa mga paaralan vs. AI misinformation

NANAWAGAN si Education Secretary Sonny Angara na paigtingin ang pagtuturo ng critical thinking sa mga mag-aaral para maprotektahan sila laban sa mga maling impormasyon at mapanlinlang na artificial intelligence o AI-generated content na kumakalat online.

Sa isang ambush interview nitong Miyerkules, Hunyo 18, binigyang-diin ni Angara ang kahalagahan ng pagiging mapanuri at maingat sa mga nakikita sa internet, lalo na sa panahon ng artificial intelligence at deepfake technology.

 “Magaling talaga ang AI. So, kailangan maingat ang tao ngayon. Kailangang maging mapanuri, at iyan ay gusto rin naming ituro sa eskwelahan. Iyan ay bahagi ng tinatawag nating critical thinking,” ayon kay  Sec. Juan Edgardo “Sonny” Angara.

Ang pahayag ay kasunod ng pagkalat ng isang AI-generated video kung saan tila may dalawang estudyante umanong kumukuwestiyon sa proseso ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Ngunit matatandaan na naibunyag din sa publiko kamakailan ang paggamit ng isang PR firm ng AI platforms sa mga online na pag-atake laban sa pangalawang pangulo. Binigyang-diin ni VP Sara na bahagi ito ng isang mas malawak at layuning pampulitika.

Pero bilang tugon, inihayag ni Angara na kasalukuyang pinag-aaralan ng DepEd ang pagtatayo ng isang AI research center para sa mga mag-aaral sa bansa.

Layunin nitong turuan ang kabataan kung paano makikilala at malalabanan ang mga mapanlinlang na nilalaman sa digital platforms.

Kasabay nito, isinusulong ng DepEd ang mas matibay na kurikulum na magsusulong ng digital literacy at mas malalim na pag-unawa sa mga isyung kinahaharap sa online world, lalo na sa harap ng mabilis na pag-unlad ng teknolohiya.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble