SA gitna ng kontrobersyal na pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na isinagawa sa bisa ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) at sa tulong ng Interpol, lumalakas ang panawagan sa Malacañang na maglabas ng malinaw na posisyon kaugnay ng isyung ito.
Ito ay kasunod ng desisyon ng Estados Unidos na magpatupad ng sanctions laban sa apat na hukom ng ICC — kabilang na ang isa sa mga hukom na humahawak sa kaso ni dating Pang. Duterte.
Ayon kay Prof. Anna Malindog-Uy, isang geopolitical analyst, mahalagang malaman kung paano tutugon si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa panawagan ng US, lalo’t itinuturing na matatag na kaalyado ng Amerika ang Pilipinas sa ilalim ng Mutual Defense Treaty.
‘’Ang panawagan kasi ng Estados Unidos is lahat ng allies ng US ay mag-impose din ng sanction sa mga judges na kung saan napakaloob sa sanction na inimpose ng US…. Malinaw naman na under BBM govt very much leaning to the US ang foreign policy niya,’’ ayon kay Prof. Anna Malindog-Uy.
Binatikos din ni Prof. Malindog-Uy ang umano’y selective justice ng ICC, na aniya’y kadalasang target ay mga lider mula sa mahihirap at hindi makapangyarihang bansa.
‘’Kaya nasasabi din na may selective justice ang ICC kasi karamihan ng pino-prosecute nila at karamihan ng naaaresto nila is yung mga bansa na hindi malalakas…. what you call hindi ganun ka strong na mga bansa,’’ saad ni Prof. Anna Malindog-Uy.
Samantala, ipinaabot naman ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque ang kanyang pagkabahala sa posibleng epekto ng US sanctions sa pag-usad ng kaso ni Duterte sa ICC.
Ayon kay Roque, maaaring maparalisa ang operasyon ng ICC, na makaaapekto sa karapatan ng dating pangulo na magkaroon ng patas na paglilitis.
‘’Nababahala ako dyan kasi baka maantala yung paglilitis kay tatay Digong….. kung walang kahit ano, eh paaano siya makaka-function,’’ ani Atty. Harry Roque.
Dagdag pa ni Roque, maaaring managot ang administrasyon ni Pang. Marcos Jr. sa pakikilahok ng ilang opisyal ng gobyerno sa pag-aresto kay Duterte, na aniya’y labag sa due process na itinatadhana ng Rome Statute.
Kaugnay nito, inihayag ni Roque na may nakahanda nang legal na hakbang upang mapauwi si Duterte mula sa Netherlands, gamit ang mga umiiral na batas doon.
‘’Dalawa po yan, dahil ang Netherlands ay kasapi sa international covenant on civilian political rights at sa European convention on human rights…. So, merong paglabag sa kanyang karapatan na tinatawag na equal protection clause,’’ dagdag ni Roque.