MALALAMAN na kung may taas-sahod ba o wala sa Metro Manila dahil ilalabas na ngayong linggo ang desisyon sa mga petisyong dagdag-sahod sa National Capital Region (NCR) ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Sabi ng DOLE, kinakailangang balansehin ang interes ng mga employer at manggagawa.
Kailangan ayon sa DOLE na tingnan ang kakayahan ng mga employer na kadalasan ay mga Micro and Small-Medium Enterprises (MSMEs).
Tatlong petisyon para sa taas-suweldo ng mga manggagawa sa Metro Manila ang may desisyon na ayon sa DOLE.
Ayon kay DOLE Sec. Bienvenido Laguesma, ilalabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board-National Capital Region (RTWPB-NCR) ang nasabing desisyon ngayong linggo.
“Tapos na ‘yung konsultasyon. Tapos na ‘yung public hearing. Tapos na ‘yung wage deliberation.”
“We expect the wage resolution within this week. So within this week, we will be able to address,” ayon kay Sec. Bienvenido Laguesma, (DOLE).
Sa tatlong nakahaing petisyon para sa taas-suweldo, isa rito ay humihingi ng P100 na across the board na dagdag sa arawang- sahod.
May humihingi naman na itaas ang daily minimum wage sa P1,140 habang may ibang grupo naman ang naghain ng petition na itaas ang daily minimum wage sa P1,161.
Interes ng mga employer at manggagawa, kailangang balansehin sa pagtaas ng sahod
Pero paglilinaw ni Laguesma, kailangang balansehin ang pangangailangan ng taas-ahod at tingnan ang kakayahan ng mga employer kasabay ng iba pang mga factor tulad ng inflation.
Mayorya kasi aniya sa mga Pilipinong manggagawa ay nasa MSMEs.
“Im very sure na mayroon din tayong madidinig diyan na hindi sapat, kulang. Nothing is enough. But we have to make a balance and make sure na ‘yung anumang tugon sa mga pangangailangan ng mga manggagawa at ng kaniyang pamilya ay hindi naman mangangahulugan na pagkapinsala ng mga namumuhunan,” dagdag ni Laguesma.
Karagdagang hanapbuhay para sa mga Pilipino, kinakailangan—DOLE
Ilang pag-aaral na ang nagsasabing hindi sapat ang umiiral na minimum wage para tustusan ang pangangailangan ng isang ordinaryong pamilyang Pilipino.
Pero sa tingin ni Laguesma na kung dalawa sa bawat pamilya ay may trabaho, posibleng matugunan ang mga nasabing pangangailangan.
Kaya aniya, dapat pang makaakit ng maraming investors sa bansa upang makalikha ng karagdagang hanapbuhay.
“Having said that, ang challenge talaga makalikha tayo ng karagdagang hanapbuhay nang sa ganun magkatulong-tulong ang pamilya. Hindi naman nating puwedeng sabihin na ang pangangailangan, ang lahat ng pangangailangan ay dapat na sagutin o tugunan ng isang employer lamang sa isang manggagawa,” ani Laguesma.