PATULOY ang pagsisikap ng Department of Foreign Affairs (DFA) para maiuwi sa bansa ang mga Pilipinong biktima ng human trafficking sa Southeast Asia.
Sa isang pahayag, sinabi ng DFA na kasama na rito ang mga Pinoy na nasagip ng mga otoridad sa Myanmar na umano’y nagtatrabaho sa Myawaddy.
Ayon sa DFA, isa sa mga tinutulungan nila na mapauwi ay si Kiela Samson, isang Pinay na nasa Myanmar.
Sinabi ng DFA na direktang nakikipag-ugnayan ang pamilya Samson sa kanilang embahada sa Yangon.
Sa inisyal na ulat, namamasyal lamang si Samson sa Mae Sot, Thailand malapit sa border ng Myanmar nang hulihin ng mga otoridad sa Myawaddy.
Samantala, nagpaalala naman ang DFA sa mga Filipino na nagbabalak magtrabaho sa ibang bansa na makipag-ugnayan muna sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).