ISANG malubhang sitwasyon ang nagaganap sa bayan ng Ballymena, Northern Ireland, kasunod ng mga anti-migrant riot na pumutok dahil sa insidenteng kinasasangkutan ng dalawang Romanian migrants.
Bagama’t walang Pilipino ang sangkot sa insidente, ang mga migrante sa pangkalahatan, kasama na ang mga Pilipino, ang naging target ng galit ng mga nagpoprotesta.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo De Vega, ilang Pilipino na ang tinarget ng mga lokal, kabilang ang isang residente na sinunog ang sasakyan sa labas mismo ng kanyang bahay.
Gayunpaman, nilinaw ng DFA na sa kabila ng tensiyon, wala pang naitatalang nasugatang Pilipino.
“Ang problem, hindi naman Pilipino ang may kasalanan dito. Nagra-riot ‘yung ibang Northern Irish dahil sa nangyaring Bohmen Romanian migrants. So lahat na lang ng migrants kinagagalit nila. Wala pang nasasaktan na mga Pilipino, pero meron nang mga natarget na Pilipino,” ayon kay Usec. Eduardo de Vega, DFA.
Sa ngayon, may 10 Pilipino ang pansamantalang inaalagaan ng kanilang kapwa kababayan upang matiyak ang kanilang kaligtasan habang hindi pa tuluyang humuhupa ang tensiyon.
Naglabas na rin ng abiso ang Embahada ng Pilipinas sa London na humihimok sa lahat ng Pilipino sa Northern Ireland na mag-ingat at sumunod sa mga tagubilin ng lokal na pamahalaan.
Mula London, agad tumulak si Ambassador Teddy Locsin patungong Belfast upang personal na makipagkita sa mga Pilipinong naapektuhan.
Nagsimula ang kaguluhan matapos akusahan ng panggagahasa ng isang lokal ang dalawang Romanian migrants. Ngunit ayon sa DFA, hindi ito ang unang pagkakataon na may tensiyong kontra-migrante sa Europa, lalo na’t lumalawak ang pananaw ng ilan sa mga dayuhan bilang banta sa kanilang kultura at kabuhayan.
“Isa doon dahil ‘yung ibang migrants na may ibang relihiyon, pinipilit nila ang relihiyon nila doon sa Europa. At isa dahil sa mga frustration dahil ang ekonomiya ngayon ng Europe ay mas mabagal kaysa sa normal tapos ang madaling sisihin ang mga foreigner,” ayon kay Usec. Eduardo De Vega, DFA.
Samantala, inihayag ni De Vega na tinutulungan na rin ng mga taga-Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga Pilipino sa Northern Ireland na nangangailangan ng tulong.
“’Yung ating DMW at OWWA nandoon kung kailangan ng financial assistance kasi baka kailangang umalis, mawalan ng trabaho at relocation. So titingnan nila kung anong puwedeng gawin para kung kailangan nga umalis ng Northern Ireland kung puwedeng lilipat lang ng trabaho, ng lugar sa ibang part ng UK,” dagdag pa ni De Vega.
Sa buong Northern Ireland, tinatayang may humigit-kumulang 5,000 Pilipino ang naroon. Ngunit sa bayan ng Ballymena, kakaunti lamang sila. Sa tala ng DFA, hindi pa umabot sa 100 ang kabuuang bilang ng mga Pilipinong naninirahan sa nasabing bayan.