DHSUD: Hindi kakayanin ang 6M pabahay sa ilalim ng Marcos, Jr. admin

DHSUD: Hindi kakayanin ang 6M pabahay sa ilalim ng Marcos, Jr. admin

INAMIN ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na hindi nila kakayaning tuparin ang target na 6M housing units sa loob ng anim na taon sa ilalim ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing (4PH) Program.

Matatandaang nauna na ring inamin ng kalihim ng DHSUD na hindi nila natupad ang target na 1M housing units kada taon na naunang ipinangako ng gobyerno, dahil anila sa iba’t ibang hadlang sa implementasyon ng proyekto.

Ayon kay DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar, ang tagal ng proseso ng pagtatayo ng mga gusali ang isa sa pangunahing dahilan kung bakit hindi maisasakatuparan ang orihinal na target.

Ngayon pa lang nagtatayo ng mga building na ‘yan kasi sa loob ng 3 taon, nagkaroon pa kami ng maraming pag-aaral. Andaming naging problema. Kamukha niyan, noong matapos namin ang programa ng affordability, siyempre dapat aralin mo kung paano makakabayad ang mahihirap. Ano ang gagawin mo?” pahayag ni Secretary Jose Rizalino Acuzar, DHSUD.

Bukod sa usapin ng pondo, marami rin umanong teknikal na balakid sa implementasyon ng proyekto.

Dahil dito, binawasan ng gobyerno ang target mula 6M pababa sa 3M housing units.

Isa anila sa dahilan kung bakit hindi nila natupad ang target na 1M housing units kada taon dahil sa mabagal na paglabas ng pondo mula sa pribadong sektor, na dapat sanang katuwang sa proyekto.

Isa pang malaking hadlang ang kakulangan ng available na lupa para sa pabahay, lalo na sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan.

Para matapos ang isang building, aabutin ng 2 hanggang 3 taon, lalo na kung medium o high-rise. Kaya ang delivery namin, matatagalan. Pero lahat ‘yan, nakalatag na. Ang mangyayari, mailalagay kayo sa listahan ng Pambansang Pabahay,” dagdag pa ni Akuzar.

Habang patuloy na itinatayo ang mga pabahay, hinihikayat ng DHSUD ang mga informal settler families (ISFs) na magpalista na sa 4PH Program ng pamahalaan.

Magagawa ito sa pamamagitan ng digitalization efforts ng ahensiya sa 4PH website: https://dhsud.gov.ph/4ph-program/

Ayon kay Acuzar, basta’t may trabaho at tumatanggap ng minimum wage, puwedeng mag-apply para sa pabahay.

Ang nasabing portal ay magsisilbing isang centralized digital platform na magbibigay ng impormasyon sa mga patakaran ng programa, proseso ng aplikasyon, at aktwal na pag-usad ng proyekto.

Sa portal na ito, kinukuha natin ang expression of interest ng ating mga kababayan. Kasabay nito, kumukuha rin tayo ng kaunting data para ma-profile natin ang mga interesadong sumali sa programa. Eventually, ito ay itatahi natin sa pag-avail ng loan mula sa Pag-IBIG Fund,” paliwanag naman ni Usec. Avelino Tolentino III, DHSUD.

Dagdag ni Acuzar, ginagamit nila ang digital platform upang matiyak na walang dayaan sa proseso ng pagpili ng benepisyaryo.

Gagamitin po namin ang programang ito para walang dayaan sa kung sino ang mauuna, dahil ito ay naka-queueing system. Bago matapos ang Marcos administration, sisiguraduhin naming nakalista na kayo sa Pambansang Pabahay. Kasi po, hindi namin kayang tapusin ang 6M na bahay sa loob lamang ng 6 na taon,” dagdag paliwanag ni Acuzar.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble