HINIMOK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang mga miyembrong ahensiya ng Justice Sector Coordinating Council (JSCC) na ituloy ang streamlining at digitalization ng kanilang frontline at back-end na mga serbisyo bilang bahagi ng mga pagsisikap nitong decongestion sa buong bansa.
Sa kaniyang mensahe na binasa ni Executive Secretary Lucas Bersamin, welcome kay Pangulong Marcos ang inisyatiba ng JSCC na pangunahan ang National Jail Decongestion Summit na ginanap sa Maynila nitong Miyerkules.
Saad ng Chief Executive, sa pamamagitan ng best practices na iniimplementa sa ibang mga bansa ay mayroong kapupulutan dito ang Pilipinas upang makapagpatupad na rin ng innovative solutions, na makatutulong sa mga hamong kinakaharap ng justice system sa bansa.
Umaasa naman ang Pangulo na sa isinasagawang national summit ay hindi lamang matatalakay ang target na mapaluwag ang mga piitan, kundi masiguro din na magiging maayos ang kondisyon ng mga persons deprived of liberty (PDL).
Nilalayon ng naturang summit na pagsama-samahin ang legal experts, government agencies, international organizations, at advocates.
Ito’y upang talakayin at magtatag ng mga bagong patakaran at hakbangin upang mapabilis ang pagproseso ng mga kasong kriminal at maibsan ang talamak na pagsisikip ng kulungan sa bansa.
Nagpahayag ang Pangulo ng tiwala na ang talakayan na magaganap sa panahon ng summit ay magbibigay daan para sa mas mahusay na mga patakaran at mga hakbangin.
Nabanggit din ni Pangulong Marcos na ang kaganapan ay naaayon sa prayoridad ng administrasyon na i-decongest ang mga kulungan sa Pilipinas at prison facilities, at pag-ibayuhin ang kahusayan at bisa ng sistema ng hustisya sa bansa.