NAKIUSAP ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Health (DOH) sa mga aspirant para 2022 elections na sumunod sa mga pamantayan na itinakda batay sa kasalukuyang alert level sa bansa.
Ipinaalala ng DILG sa mga aspirant o mga kakandidato sa 2022 election na kailangang sundin kung ano ang itinakdang mga panuntunan sa ilalim ng Alert Level 2.
Sinabi ni DILG Spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya na kailangang sumunod sa mga pamantayan kung nasa indoor venue, dapat nasa 50 percent capacity at kapag outdoor naman mahigit 70 percent capacity.
Gayunman, nanawagan ang DILG sa mga aspirant na hintayin na lang muna ang campaign period bago magsagawa ng anumang aktibidad na may kaugnayan sa eleksyon.
Samantala, maging si Health Secretary Francisco Duque III ay umapela rin sa mga aspirant na panatilihing kontrolado at maayos ang mga gagawing pagtitipon.
Ito’y dahil maaari itong magiging super spreader events lalo’t naririyan pa rin ang banta ng COVID-19.
Nakiusap naman si Duque sa mga aspirant na mikipag-ugnayan sa mga local government unit upang maging maayos ang gagawing aktibidad na may kinalaman sa halalan 2022.
Una nang nagpaalala ang DOH na tiyaking maliit ang mga pagtitipon at idaos ang mga ito sa lugar na maayos ang bentilasyon o nakakalabas-pasok ang sariwang hangin.
Kung matatandaan, inihayag na rin ng Commission on Elections (COMELEC) na aasahan ang pagbabago sa pangangampanya na maituturing na “superspreader event” gaya ng mga political rally sa paparating na halalan.