DILG: Mental health emergencies saklaw na rin 911 hotline simula Agosto

DILG: Mental health emergencies saklaw na rin 911 hotline simula Agosto

SA bansa kung saan patuloy na tumataas ang kaso ng depresyon, anxiety, at iba pang mental health concerns, lalo na sa mga kabataan, isa sa pinakamalaking hamon ay ang kakulangan sa agarang access sa propesyonal na tulong.

Marami ang nahihirapang humingi ng suporta, at kung makakatawag man, hindi alam kung saan dapat lumapit.

Kaya naman sa ilalim ng Unified 911 Emergency System na ilulunsad ng Department of the Interior and Local Government (DILG), hindi lang kriminalidad ang bibigyang pansin, kundi maging ang lumalalang mental health crisis sa bansa.

Ayon sa DILG, ang 911 hotline ay magiging tulay para sa mas mabilis na tulong, hindi lamang sa oras ng kapahamakan, kundi maging sa mga sandaling kailangan ng kausap, payo, o agarang mental health support.

Ibig sabihin, hindi na lang pulis ang sasagot sa numerong ito. Magkakaroon din ng mga nakatalagang propesyunal mula sa larangan ng mental health na handang magbigay ng medikal na gabay at psychosocial support, lalo na para sa mga kabataan, magulang, at iba pang nangangailangan.

Batay sa datos ng ahensiya, mula sa kabuuang 50,000 tawag na natatanggap ng 911, tinatayang 2% nito ay may kinalaman sa mental health.

Naniniwala ang DILG na sa pamamagitan ng bagong sistemang ito, mas mabilis na matutugunan hindi lamang ang mga krimen kundi maging ang mga health emergencies, sunog, at iba pang kahina-hinalang aktibidad.

Oras na maisakatuparan ito sa Agosto o Setyembre, ang mga lokal na pamahalaan ang magsisilbing dispatch center upang masiguro ang kahusayan at pagiging epektibo ng sistema.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble