NANINDIGAN mismo si Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos Jr. na wala siyang sasantuhin pagdating sa pagpapatupad ng batas.
Ito’y matapos maaresto ang nagpakilalang pamangkin nito dahil sa pag-ooperate ng colorum na sasakyan.
Kinilala si Jaz Abalos na nagpakilalang pamangkin di umano ng DILG Chief sa isang entrapment operation sa Araneta Avenue sa Cubao, Quezon City, araw ng Huwebes Abril 11, 2024.
Nabatid na naniningil ang van na pagmamay-ari umano ng nagpakilalang pamangkin ni Abalos ng P200 pamasahe para makapaghatid mula Quezon City patungong Laguna.
Kaugnay rito agad na inatasan ng kalihim ang MMDA para magsagawa ng operasyon.
Maliban sa nagpakilalang Jaz Abalos, arestado rin ang driver ng colorum na van na nakilalang si Antonio Mirasol na nagpresinta pa ng pekeng lisensiya.