TINIYAK ng Department of Migrant Workers (DMW) na patuloy silang nagbibigay ng libreng pagsasanay, livelihood support, business mentoring, at financial assistance sa mga OFW—dokumentado man o hindi.
Ipinaliwanag ni DMW Undersecretary Felicitas Bay na ang reintegration program ay bahagi ng batas sa ilalim ng DMW Act at sumasaklaw sa buong deployment cycle ng mga OFW mula pre-departure, on-site employment, hanggang sa kanilang pagbabalik sa Pilipinas.
Bilang lead agency, sinabi ni Bay na ang DMW ay nakikipag-ugnayan sa mga ahensiyang gaya ng DTI, DA, DOT, DOH, DSWD, DILG, DOLE, at BSP para sa pagsasanay, psychosocial support, livelihood assistance, at financial literacy programs. May partnership din ang ahensiya sa mga bangko at private institutions para sa mentoring at business development.
“Marami tayong mga ugnayan sa private sector kagaya ng business development program; tapos iyong mentoring—kasi kailangang maturuan din iyong ating mga kababayan kung paano ba iyong tamang pagpupuhunan, tamang pagtatayo ng negosyo at iyong pinaka-basic siguro iyong financial literacy or the financial education,” pahayag ni Usec. Felicitas Q. Bay, DMW.
Sinabi rin ng opisyal na may mga programang inaalok ang TESDA para sa mga nais magpatuloy ng pag-aaral o kumuha ng bagong kasanayan, kabilang ang on-site assessment sa abroad at training vouchers para sa mga distressed workers at kanilang pamilya.
At kung ikaw ay lisensiyadong guro, baka ikaw na ang susunod na kwento ng tagumpay sa programang Sa Pinas, Ikaw ang Ma’am/Sir, katuwang ang Department of Education (DepEd).
Batay sa datos ng DMW nitong Marso 2025, nasa 40,951 na OFWs ang natulungan ng National Reintegration Center for OFWs sa ilalim ng iba’t ibang programa.
Para sa mga nais mag-avail ng livelihood support o financial assistance, kailangan lamang ng patunay na sila ay OFW—documented man o hindi—at maaaring lumapit sa alinmang regional office ng DMW o sa kanilang main office sa Maynila.
Pinasinungalingan din ni Bay ang ideya na kailangang lumuwas ng Maynila para sa tulong. Ipinunto niyang ang NRCO ay may labing-anim na regional offices na nagbibigay ng serbisyo direkta sa mga komunidad.
Isinasagawa rin ng ahensiya ang quarterly review upang masukat at mapabuti pa ang epekto ng mga programa.
“So maganda iyong mga programa nating ganiyan kasi hindi lamang naman ang kabuhayan ay makikita mo sa ibang bansa. Kung pagkabalik at nandito na sa Pilipinas, siguro ito ay isang panibagong panimula,” ani Bay.
Nanawagan ang DMW sa lahat ng interesadong OFW na makipag-ugnayan sa alinmang tanggapan ng DMW o dumaan sa kanilang opisyal na Facebook page upang malaman ang mga programang maaaring mapakinabangan.