DMW ipinasara ang Japanese language center sa Davao

DMW ipinasara ang Japanese language center sa Davao

IPINASARA ng Department of Migrant Workers (DMW) ang Sincere Japanese Skills Academy, Inc. sa Davao City—ang ikaapat na Japanese language center na isinara ng ahensiya sa loob lamang ng dalawang linggo.

Batay sa imbestigasyon ng DMW, naniningil umano ang Sincere ng mula P3K–P50K para sa Japanese language training, kapalit ng pangakong trabaho sa Japan bilang caregiver, food and beverage service staff, o ground handler sa aviation industry.

Subalit natuklasan ng DMW na nakikipag-sabwatan ang nasabing pasilidad sa mga hindi awtorisadong recruitment group gaya ng Advanced Ability Association (AAA), at maging sa isang lisensyadong agency.

Isa itong paglabag sa mga umiiral na batas hinggil sa overseas recruitment.

Isinagawa ang hakbang ng DMW batay sa Closure Order No. 14, Series of 2025, kasunod ng mga reklamo mula sa mga biktimang Overseas Filipino Workers na dumulog sa Migrant Workers Office sa Tokyo.

Isasama sa DMW List of Persons and Entities with Derogatory Record ang Sincere at ang mga opisyal nito, at mahaharap sila sa kasong illegal recruitment.

Nanawagan naman ang DMW sa iba pang posibleng nabiktima ng Sincere na makipag-ugnayan sa Migrant Workers Protection Bureau sa pamamagitan ng kanilang Facebook page upang mabigyan ng libreng legal na tulong at suporta.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble