TINIYAK na mareresolba ngayong taon ang nasa 10-k na overseas Filipino workers (OFWs) na may unpaid salary sa Saudi ng Department of Migrant Workers (DMW).
Inihayag ni Migrant Workers Secretary Susan Ople na may significant process at nasa final stage na ang usapin sa pagitan ng Pilipinas at Kingdom of Saudi Arabia (KSA) government hinggil sa upaid salary ng mga OFWs na 8 taon na ang nakalilipas.
Sa isang pulong balitaan na isinagawa araw ng Biyernes ng DMW, inihayag ni Sec. Ople na mismo ang Saudi Government ang humiling sa pamamagitan ng Ministry of Human Resources and Social Development (MHRSD) at sa koordinasyon na rin ng Philippine Embassy sa Riyadh, sa DMW na magsumite ng listahan ng mga claimant para sa pag-apruba ng special committee na binuo ng Saudi Government.
Ipinarating ang kahilingan noong Huwebes sa isang Ad Hoc Group meeting na tahasang ginawa para mabilis na masubaybayan ang pagproseso ng mga claim.
Ang Ad Hoc Group ay binubuo ng mga kinatawan mula sa claims committee ng MHRSD at mga kinatawan ng Philippine Embassy at ng Migrant Workers Offices ng DMW.
Hinihiling ng gobyerno ng Saudi sa mga claimant ng unpaid claims and wages mula sa mga construction companies sa KSA na nagdeklara ng bankruptcy mula 2015-2019 na e-email ang mga kinakailangan gaya pangalan ng OFW at taon na nagtrabaho sa Saudi at ang pangalan ng kompanya, numero ng Iqama, lumang passport number, ang suweldo, address at iba pang impormasyon kaugnay sa claims.
Ang mga naturang listahan ay dapat makumpleto na bago ang araw ng pagpunta ni Sec. Ople sa May 24 sa Saudi.
“Yung listahan na yan kailangan maibigay namin. So, ang pag-uusapan na lang yung ibang proseso,” saad ni Sec. Ople.
Sa pamamagitan ng liham na nilagdaan ni MHRSD Minister Ahmad bin Sulaiman Al-Rajhi, pormal na inimbitahan ng gobyerno ng Saudi ang DMW Secretary na bumisita sa KSA sa Mayo 24 para sa isang bilateral meeting tungkol sa labor concerns kabilang ang mga hindi nabayarang claim ng mga manggagawa.
Bago ang petsang iyon, magpapadala ang DMW ng isang advance party na pinamumunuan ni Undersecretary Bernard Olalia upang talakayin ang mga nilalaman ng joint labor agreement at mga mekanismo para sa pagbabayad ng mga claim.
“Tinanggap namin ang mainit na imbitasyon na ipinadala ng gobyerno ng Saudi sa pamamagitan ng MHRSD at inaasahan ang isang napaka-matagumpay at produktibong pagbisita,” dagdag ni Ople.
Dahil dito tiniyak ni Ople na sa taong ito ay mareresolba na ang unpaid salaries at benefits ng mga naturang OFW.
“Na masasabi ko with full confidence na mareresolba, mareresolba yan within the year,” ani Ople.
Matatandaan sa isang pagpupulong na ginanap noong Nobyembre 2022 ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit na ginanap sa Bangkok, Thailand, ipinangako ng crown prince ng Saudi Arabia kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na ang kaniyang gobyerno ay magbibigay ng pondo para ma-claim ng mga OFW ang mga hindi nabayarang suweldo at iba pang benepisyong dapat bayaran.
Samantala para naman sa mga OFW na kahit binayaran na ng partial o full payment ng kanilang mga recruitment agency sa ilalim ng joint and solidary liability, ayon sa DMW ay maari pa rin nilang makuha ang kanilang mga unpaid salary sa gobyerno ng Saudi.
“Meron po tayong tinatawag na joint and solidary liability, parte ng ating claimants,” ayon kay ni Usec. Bernard Olalia, DMW.