DND, DOT at DILG, magtutulungan para pasiglahin ang turismo sa insurgency-free communities sa Mindanao

DND, DOT at DILG, magtutulungan para pasiglahin ang turismo sa insurgency-free communities sa Mindanao

PARA sa seguridad, kapayapaan at kaayusan, lumagda ang tatlong malalaking kagawaran ng bansa para isulong ang mas matatag na turismo sa rehiyon ng Mindanao partikular na sa mga dati nang naging pugad ng impluwensiya ng CPP-NPA-NDF.

Pinangunahan ito nina Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos, Jr., Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia-Frasco, at Department of National Defense (DND) Undersecretary Angelito de Leon.

Para kay Abalos, magandang hakbang aniya ito para masimulan na ang mga proyektong naaayon sa kultura at pangangailangan ng mga taga Mindanao lalo na sa usapin ng pangkabuhayan sa pamamagitan ng pagpapalakas ng turismo rito.

Ayon pa sa kalihim, malaki ang potensiyal ng Mindanao dahil sa mga naggagandahan nitong mga tanawin mula sa mga dalampasigan at mayamang kultura ng rehiyon.

“I’ve been to Mindanao countless times. At sa tuwing ako ay nagpupunta rito, talagang ako’y namamangha sa angking ganda ng Mindanao. The pristine beaches, the history-filled heritage sites, the warmth of the Mindanaoans–all of these are important ingredients for this region to thrive,” saad ni Sec. Benhur Abalos, DILG.

Sa panig naman ng militar, tiniyak nito ang seguridad at kaayusan sa buong rehiyon ng Mindanao upang hindi na makabalik pa ang mga miyembro ng CPP-NPA habang isinasakatuparan ang plano ng pamahalaan na maging sentro ang Mindanao ng turismo at hindi ng terorismo.

“We are one with the higher-ups in this endeavor. We will do our part by giving our best efforts to sustain peace and protect the people from aggressors.”

“Rest assured that we will continue to work for sustained peace and development here in Mindanao. We will go the extra mile to change the face of this beautiful archipelago from terrorism to tourism,” ayon kay Lt. Gen. Roy Galido, Commander, Western Mindanao Command, PA.

Bayan ng Tanay sa Rizal, insurgency-free na

Samantala, buong pagmamalaking inanunsiyo ng 2nd Infantry “Jungle Fighter” Division, Philippine Army na malaya na sa impluwensiya ng insurhensiya ang bayan ng Tanay sa probinsiya ng Rizal.

Pinangunahan ng Tanay Municipal Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa pamumuno ni Tanay Mayor Hon. Rafael Tanjuatco, katuwang ang 202nd Infantry “Unifier” Brigade at 80th Infantry “Steadfast” Battalion, ang paglalagda sa Memorandum of Understanding at pagdedeklara bilang Stable Internal Peace and Security (SIPS) ng nasabing bayan.

Bahagi rin ng seremonya ang paglalagda sa Pledge of Commitment at redeclaration sa CPP-NPA-NDF bilang persona non-grata sa bayan ng Tanay.

Ayon naman kay 2nd Infantry Division Commander Maj. General Roberto S. Capulong, malaking bentahe aniya ang pagtutulungan ng lahat ng sektor para mabilis na makamit ang katahimikan at kaayusan ng mga komunidad sa bansa.

“Ang pagdedeklara ng ‘insurgency free’ sa bayan ng Tanay ay patunay lamang na pwedeng makamit ang kapayapaan at seguridad sa pamamagitan ng pagtutulungan ng iba’t ibang sektor ng pamahalaan, komunidad at stakeholders. Ang tagumpay na ito ay simbolo ng patuloy ng katahimikan at magandang kinabukasan hindi lamang sa Tanay kundi sa buong probinsiya ng Rizal,” wika ni Maj. Gen. Roberto S. Capulong, Commander, 2nd Infantry Division.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter