INATASAN ang Department of Energy (DOE) at iba pang kaugnay na ahensiya na pabilisin ang implementasyon ng action plans at mga estratehiya upang mapaunlad ang industriya ng electric vehicle (EV).
Ang kautusan ay ginawa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ginanap na sectoral meeting sa Malacañang ngayong araw ng Martes, Abril 30, 2024.
Sa Palace briefing, sinabi ni Malacañang press briefer Daphne Oseña-Paez na ang direktiba ay partikular na nakatuon sa sektor ng pampublikong transportasyon.
Inilahad naman ni DOE Usec. Felix William Fuentebella na kasama nila sa pulong sa Palasyo ang Department of Transportation (DOTr), Department of Trade and Industry (DTI) at ang Department of Science and Technology (DOST).
Saad ni Fuentebella, nakatuon ang kanilang pagtalakay tungkol sa komprehensibong roadmap para sa electric vehicle industry.
Sa ngayon, malayo pa ang Pilipinas sa target nitong 2.45 million EVs at humigit-kumulang 65,000 EV charging stations (EVCS) pagsapit ng 2028.
Kaugnay nito, binigyan ng direktiba ang mga kinauukulang ahensiya na magtulungan upang pag-aralan ang integrasyon ng EV industry.
Ito ay upang mapalakas ang lokal na pagmamanupaktura ng mga de-kuryenteng sasakyan at pagsuporta sa mga mekanismo sa pag-charge ng baterya.
Inutusan din ang DOE na tumuon sa pagsuporta sa pagkuha ng electric vehicles ng commercial fleets tulad ng mga sasakyan ng gobyerno o pribadong kompanya at mga pampublikong sasakyang pang-transportasyon.
Benepisyong dulot sa mga konsyumer ng paggamit ng e-vehicle, inilatag ng DOE
Samantala, isa-isang inilatag ng DOE ang mga benepisyong dala ng paggamit ng e-vehicle.
Sinabi ni Usec. Fuentebella na kabilang dito ang mas murang halaga ng e-vehicle, mas kaunti ang ginagastos, mas malayo ang tinatakbo, at mas mababa rin ang maintenance cost.
Ang iba pang magandang benepisyo ng paggamit ng e-vehicle ay ang mas malinis na hangin na ibinubuga nito.
Napag-usapan din sa sectoral meeting ang pangangailangan para sa mas maraming charging station na maitatag para sa electric vehicles.
Gayundin ang pagkakaroon ng mga financing scheme upang tulungan ang mga consumer na interesadong lumipat sa EVs at ang pagpapalit ng baterya para sa mga de-kuryenteng sasakyan upang mabawasan ang maintenance cost.