DOH at PH Red Cross, nagtalaga ng medical team para sa inagurasyon ni PBBM

DOH at PH Red Cross, nagtalaga ng medical team para sa inagurasyon ni PBBM

KASABAY ng gagawing inagurasyon ni President-elect Bongbong Marcos, ay nakahanda naman ang medical team sa paligid ng National Museum.

Nagpapakalat ang Department of Health-National Capital Region (DOH-NCR) at ang Philippine Red Cross ng mga medical team sa bahagi ng National Museum sa lungsod ng Maynila.

Bahagi ito ng preparasyon para sa inagurasyon ngayong araw ni President-elect Ferdinand Bongbong Marcos Jr.

Sinabi ni DOH-NCR Director Dr. Gloria Balboa na marami silang ipakakalat na mga health personnel.

Layon nito na mabigyan ng medical assistance ang mga mangangailangan nito sa panahon ng panunumpa ni BBM.

Ang Philippine Red Cross naman, hindi bababa sa 8 manpower ang kanilang idi-deploy, bukod dito may nakahandang 2 ambulansiya para umantabay sakaling magkaroon ng emergency.

Inaasahan ding magdi-deploy ng mga personnel ang Manila Health Department para sa inagurasyon ng bagong Presidente ng Pilipinas.

Una nang tiningnan ng medical team ang malaking posibilidad na magkakaroon ng siksikan at makaranas ng pagkahilo ang mga dadalo sa naturang kaganapan.

Tulad ng inaasahan, magkikita muna ngayong umaga sina outgoing President Rodrigo Roa Duterte at incoming President BBM sa Palasyo ng Malacañang bago ang inagurasyon ngayong araw, Hunyo 30.

Si Marcos Jr. ang magiging huling panauhin ni Pangulong Duterte sa President’s Hall ng Malacañang sa kanyang panunungkulan bilang Presidente ng Pilipinas.

Pagkatapos nito ay bibigyan ng Final Departure Honors si Pangulong Duterte bago siya tuluyang lumisan sa Palasyo.

Samantala, hindi pa tiyak kung dederetso na ba si Pangulong Duterte sa kanyang hometown sa Davao City pagkatapos ng departure honor sa outgoing President.

Follow SMNI News on Twitter