DOH, irerekomenda sa LGUs na magpasa ng ordinansa na magbabawal sa pagligo sa baha

DOH, irerekomenda sa LGUs na magpasa ng ordinansa na magbabawal sa pagligo sa baha

IREREKOMENDA ng Department of Health (DOH) sa local chief executives na ipatupad ang pagbabawal na maligo sa tubig-baha.

Ito ay kasunod ng paglobo ng kaso ng leptospirosis makaraan ang malawak at matinding pagbaha na dulot ng pananalasa ng Habagat at Bagyong Carina.

Ayon kay DOH Secretary Teodoro Herbosa sa isang ambush interview sa Malacañang, kakausapin niya ang pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para irekomenda na ma-regulate ito bilang proteksiyon na rin sa kalusugan ng mamamayan.

Imumungkahi niya na magpasa ng ordinansa ang local government units (LGUs) na kapag baha, hangga’t maari ay manatili lamang sa bahay.

“Alam niyo naman ang cause ng leptospirosis ay ihi ng daga. Dapat mapigilan ang pag swimming sa flood waters kasi madumi talaga siya. Kakausapin ko ang MMDA, make sure ma-regulate siguro ‘yan,” ayon kay Sec. Teodoro Herbosa, DOH.

Makatutulong din aniya ang hakbang na ito upang hindi mahihirapan ang mga ospital.

Nabatid na kino-convert na ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) ang kanilang gyms at ginawang leptospirosis ward dahil sa paglobo ng bilang ng mga pasyenteng tinamaan ng naturang sakit.

May ilang hakbang na rin ang DOH sa usaping ito kung saan, ani Herbosa, nag-activate na sila ng National Emergency Health Bureau at nagkaroon na rin sila ng patient navigation.

“Nag-release kami ng telephone numbers para hindi lahat naiimbudo sa NKTI. For your information, marami rin kaming dialysis machine sa Jose M. Rodriguez kasi ito ‘yung ginawa nating COVID hospital. Nakapag-built up kami ng dialysis machines doon which can be used ngayon for lepto,” saad pa nito.

Bukod dito, itatalakay rin ni Herbosa sa MMDA ang patungkol sa pagsasaayos ng solid waste management.

Aniya, dapat nahahakot agad ang mga basura sa lansangan para hindi pamugaran ng mga daga na naging sanhi ng leptospirosis lalo na kapag bumuhos ang malakas na pag-ulan.

Balak din ni Herbosa na kausapin si Education Secretary Sonny Angara para pangaralan ang mga kabataan kaugnay ng panganib na dala ng tubig-baha.

“I think we should start educating our children na hindi tama na lumusong ang mga bata sa baha. So, feeling ko, hindi siya communication problem, behavior problem siya, so, it’s a change in behavior na kailangan nating magawa, na pagbawalan talaga ang mga kabataan,” saad pa nito.

Pinayuhan naman ni Herbosa ang publiko na kung hindi man maiiwasan na lumusong sa baha, ay dapat magsuot ng bota.

Kapag na-expose naman sa tubig-baha, agad magbanlaw at magsabon upang mapatay ang bacteria at kung may sugat sa paa ay agad magpatingin sa doktor.

Inihayag ni Herbosa na tumataas na ang kaso ng leptospirosis dahil na rin sa pagiging pasaway ng publiko.

Sa halip aniya na manatili sa bahay kung may bagyo o baha, marami sa mga ito ang lalabas at may dala pang salbabida para maligo sa maruming tubig.

Sa katunayan, may naitala na ang DOH na namatay dahil sa leptospirosis.

“Meron na kaming recorded, 2 days ago, I heard about 4 cases of deaths na. Mataas ang mortality ng lepto. Lalo na kung late na sila na-diagnose, kaya warning namin, early on pa lang, nilalagnat pa lang, make sure matingnan na sila ng doktor. Ang sintomas niyan parehong-pareho ng trangkaso,” aniya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble