KINUMPIRMA ng Department of Health (DOH) na may mabagal na pagtaas sa kaso ng tigdas at rubella o measles-rubella sa bansa.
Ayon kay DOH Sec Teodoro Herbosa, mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 11 ay mayroong 6% na pagtaas sa mga kaso ng sakit.
Anito, may 2,594 na kasong naitala hanggang noong Nobyembre 25 kung saan 337 ang kumpirmadong tigdas at 27 ang rubella.
Kabilang sa mga rehiyon na may pagdami ng tigdas ay Region 1, 4A, 9 gayundin ang National Capital Region (NCR), 3, 5, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Region 11 at 12.
Ayon sa kalihim, madaling kumalat ang sakit na measles-rubella pero gumagaling naman ang pasyente mula sa sakit.
Gayunman, nakamamatay aniya pa rin ang sakit dahil sa humihina ang immune system ng pasyenteng bata ay tinatamaan sila ng bacterial infection tulad ng broncho-pneumonia.
Dahil dito, hinimok ng kalihim ang mga nanay na pabakunahan na ang kanilang mga anak na edad 6 pababa dahil kasama ang sakit sa tinatawag na vaccine-preventable disease.