MAKIKIPAGTULUNGAN ang Department of Health (DOH) sa Professional Regulation Commission (PRC) at Department of Labor and Employment (DOLE) para maghanap ng mga nurse na nakapasa sa board exam ngunit walang trabaho at kumbinsihin silang magtrabaho sa mga ospital ng gobyerno.
Ayon sa DOH, mayroong 124,000 unemployed at underemployed licensed na mga nurses sa bansa.
Sinabi ng DOH na tinatanggap din nila ang rekomendasyon ni Camarines Sur, 2nd District Rep. Luis Raymund Villafuerte na subaybayan ang mga walang trabahong nars at kunin sila para makapagtrabaho sa gobyerno dahil sa kakulangan ng mga nars sa bansa.
Samantala inanunsiyo naman ng DOH na magsasagawa ito ng job fairs, hindi lang sa central office kundi sa lahat ng centers for health development, para masiguradong makakapagsumite ang mga puwedeng mag-apply.