DOH, nakapagtala ng 100% case fatality rate sa rabies simula noong Enero

DOH, nakapagtala ng 100% case fatality rate sa rabies simula noong Enero

NAKAPAGTALA na ng 100% fatality rate sa rabies ang Department of Health (DOH).

Ito ay matapos lumabas sa datos na ang 89 na kaso nito mula Enero 1 hanggang Marso 16, 2024 ay nauwi sa kamatayan.

Ang rabies ay nakukuha mula sa kagat ng hayop tulad ng mga infected na aso at pusa.

Kapag ito ay hindi agad naagapan, kamatayan ang naghihintay sa pasyente.

Animal Bite Center sa Maynila, dinadagsa na ng mga pasyenteng takot makapitan ng rabies

Ngayong mainit ang panahon, usong-uso ang animal bites. Sa Animal Bite Center sa Ermita, Manila, mula 20 patients noong nakaraang buwan ay umaabot na sa 80 ang kanilang pasyente kada araw.

Sa animal bite center na ito, kadalasang kanilang pasyente ay mga nakagat ng pusa.

Hindi umano kasi madalas mapansin ang mga pusang gala.

Isa sa mga pasyente sa ABC ay ang batang si Saphira na nakagat ng pusa noon pang Abril 22.

Ayon sa nanay nito na si Rachelle, 9 days pagkatapos itong makagat ng pusa saka pa nila naisipan na ipatingin at pabakunahan si Saphira.

Ngayon, hindi aniya nila mapigilan na hindi kabahan lalo pa’t nakamamatay ang rabies.

Ang isa pang pasyente ay si Leo, na bagamat nadilaan lamang siya ng aso, ay minabuti niyang magpatingin at magpabakuna kontra rabies.

Kahit aniya hindi siya nakagat, ay hindi siya mapakali.

Kaya kahit may bayad sa private animal bite center ay okay lang sa kaniya, ang mahalaga aniya ay agad siyang maturukan.

Ayon sa DOH, kung ikaw ay nakagat, nakalmot o nadilaan ng ligaw na hayop, ang iyong sugat ay kailangang agad kang masuri.

 “Kahit anong kagat ‘yan, kahit gaano, kaliit, gaano kalaki, o madilaan lang ng isang aso o pusa ang sugat ng katawan natin, kailangang i-konsulta ‘yan sa isang animal bite center, o ER as soon as possible. Bakit po? Ang rabies kasi may incubation period ‘yan, na pwedeng tumagal as long as one-year nu,” ayon kay Asec. Albert Domingo, Spokesperson, DOH.

Payo rin ng DOH, kapag ang bata ay nakagat na ng hayop, ay huwag na itong kagalitan pa ng magulang.

Matatandaan na may isang 13-year old na babae sa Tondo, Maynila ang namatay sa rabies matapos itago sa magulang na nakagat ito ng aso dahil baka raw pagalitan siya nito.

“Having said that, huwag po tayong maghusga. Huwag nating takutin. Huwag nating pagalitan ang ating mga anak, ang ating mga bata o sinong miyembro ng ating pamilya kung nakagat ng aso,” ani Domingo.

Dahil na rin sa mga paalala ng DOH sa kontra rabies, dumarami na ngayon ay nagkakaroon ng awareness o kaalaman patungkol dito.

San Lazaro Hospital, dinadagsa ng libu-libong pasyenteng nakagat ng aso, pusa

Sa San Lazaro Hospital sa Maynila ayon kay Health Sec. Ted Herbosa, umaabot sa lagpas 3,000 ang pasyenteng nagpapabakuna kontra rabies.

Ayon sa kalihim, dapat tiyakin ng mga LGU na walang pagalang-galang hayop sa kanilang mga komunidad para makaiwas ang mga tao sa rabies.

Ang taong may rabies ay maaaring makahawa kapag may sintomas na ito.

Kaya ang mga health workers kailangang naka-PPE kapag humahawak ng mga pasyenteng may rabies.

Kadalasang sintomas nito ay pagkatakot sa tubig, hangin, at agitation nito.

“Yong talsik ng laway, and also mga droplets, sa mga mucus membranes, mata ng pasyente o bibig ng kahit sinong pasyente, pwedeng manggaling doon ang rabies. Hindi kailangang makagat, mahawakan mo lang ang laway, pwede siya malipat,” ani Domingo.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble