PINAPLANO ng Department of Health (DOH) na gayahin ang inisyatibo ng local government units (LGUs) na mamigay ng incentives sa mga magpapabakuna.
Ito ay upang makahikayat pa ng mas maraming Pilipino na lumahok sa vaccination program ng pamahalaan.
Walang nakikitang problema ang DOH sa mga ginagawang pakulo ng mga lokal na pamahalaan para makakumbinsi pa ng mas maraming residente na magpabakuna kontra COVID-19.
Namimigay ng reward ang lungsod ng Las Piñas sa lahat ng mga residente nito na naturukan na ng first dose ng COVID-19 vaccine at mga magpapabakuna pa lang.
Bukod sa pangkabuhayan showcase na nagkakahalaga ng P5,000, maaari ring makatanggap ang mga residente ng mga motorsiklo at house and lot package.
Sa Pampanga naman, baka ang pwedeng mapanalunan ng mga residente sa raffle draw.
Gagawin ito ng naturang mga local government unit upang higit pang ma-engganyo ang kanilang mga nasasakupan na makilahok sa vaccination program ng pamahalaan.
“Actually, nag-iisip na rin ang DOH ng additional na incentives para mas makahikayat tayo ng mas maraming tao para magpabakuna,” pahayag ni DOH Usec. Maria Rosario Vergeire.
Ani Vergiere, walang nakikitang mali ang DOH sa mga ginagawang inisyatibo ng mga lokal na pamahalaan.
“Basically, providing incentives is part of the strategic way of persuading people kasama yan sa tinatawag natin na persuasion strategy wherein you give incentives so that people will be encouraged to comply,” ayon kay Vergeire.
Punto ni Vergeire ang pinaka-ultimate goal ng pamahalaan ay mabakunahan ang mas nakararami upang marami rin ang mabigyan ng proteksyon mula sa COVID-19.
Dagdag ng Health Undersecretary, hindi naman kailangan na lahat ng ipapamahaging incentives ay mga material na bagay maaari rin itong maging pagkain at iba pang klaseng mga papremyo.
Pabor rin si Senator Panfilo Lacson sa naturang paraan ng pamamahagi ng incentives para mas mahikayat pa ang mga indibidwal na magpabakuna.
Ani Lacson, ang pamimigay ng mga incentives na makakahikayat sa mga Pilipino na magpapabakuna ay isang magandang paraan para makamit ng bansa ang herd immunity sa lalong madaling panahon.
Dagdag ng senador dapat gamitin ang lahat ng legal at malilikhaing paraan upang makumbinsi ang mga Pilipino na lumahok sa vaccination.
“We should use all legal – and creative – means possible to have every Filipino vaccinated,” ayon kay Lacson.
“A chance at winning in the lottery and other creative incentives to attract more Filipinos to get themselves vaccinated – these are good moves by the government, both national and local, and even the private sector, to attain herd immunity at the soonest possible time,” aniya pa.
“This is not only for our people’s healthy well-being, but also for making our economy vibrant again- and ultimately get our pre-pandemic normal lives back again,” dagdag ng senador.
Una na ring nagpahayag ng pagsuporta sa pamimigay ng incentives sa mga mababakunahan si Philippine Red Cross Chairman Senator Richard Gordon.
May mga kilalang coffee at donut brands na ring nakipag-ugnayan sa PRC at pumayag na libreng mamamahagi ng kanilang mga produkto sa mga vaccinee.
Ayon sa survey ng Social Weather Stations kamakailan, 35% ng mga Pilipino ang hindi pa rin sigurado na magpapaturok ng bakuna.
Ang naturang porsyento ay higit na mas mataas kumpara sa bilang ng mga indibidwal na nais magpabakuna.
Base sa survey, isa sa mga rason ng pag-aalangan ng maraming Pilipino ay ang pangamba patungkol sa kaligtasan o safety ng mga COVID-19 vaccine.
Maglalabas naman ng guidelines at karagdagang impormasyon ang DOH patungkol sa pamimigay ng incentives kapag maisapinal na ito.