DOJ binatikos ni Panelo: Writ of Habeas Corpus ni FPRRD, hindi dapat ibalewala

DOJ binatikos ni Panelo: Writ of Habeas Corpus ni FPRRD, hindi dapat ibalewala

MANILA, Philippines — Binatikos ni dating Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo ang naging pahayag ng Department of Justice (DOJ) na ang inihaing writ of habeas corpus ng mga anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay moot and academic o wala nang bisa, kasunod ng ulat na nasa kustodiya na umano ng International Criminal Court (ICC) ang dating Pangulo.

Ayon kay Panelo, ang ganitong klaseng desisyon ay maaaring magbukas ng mapanganib na precedent kung saan tila pinapayagan ng gobyerno ang iligal na proseso, at binabalewala ang konstitusyonal na karapatan ng bawat Pilipino sa due process.

“’Pag iyan ay pinatupad natin, ‘yung ganyang katwiran ay bibigyan mo ng gantimpala ang isang iligal na akto. Ang mangyayari niyan, kapag may kaso ang Pilipino sa ibang bansa, isusuko na lang natin nang hindi dumadaan sa proseso,” ani Panelo.

Binigyang-diin ng dating legal counsel na may obligasyon pa rin ang gobyerno na sundin ang anumang utos ng Korte Suprema at gamitin ang mga legal na paraan upang mabawi ang dating Pangulo mula sa ICC at maibalik ito sa bansa.

“Tingnan mo ang Saligang Batas, mali. Tingnan mo ang Rome Statute, mali rin ang ginawa nila. Extradition treaty? Mali pa rin. Provision 59? Mali rin,” giit ni Panelo, sabay banggit na ang Pilipinas ay isang sovereign country na may sariling sistema ng hustisya at legal na kapangyarihan.

Umaasa si Panelo na agad kikilos ang Korte Suprema upang maglatag ng malinaw na legal na gabay sa isang pambihirang sitwasyon na, aniya, ay may malalim na epekto hindi lamang sa kasalukuyang batas, kundi pati na rin sa pambansang soberanya at karapatan ng mamamayan.

Partikular na tinutukoy sa petisyon ng mga Duterte ang umano’y iligal na hakbang ng ehekutibo sa pagsuko kay FPRRD sa ICC, bagay na hindi dapat aniyang gamitin ng mga inirereklamo upang makaiwas sa pananagutan sa ilalim ng batas.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble