PINURI at pinasalamatan ng Department of Justice (DOJ) ang Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) at lokal na kapulisan matapos na naaresto ang gunman na nakapatay sa isang radio anchorman sa Kidapawan City.
Kinilala ni PTFOMS Undersecretary Paul Gutierrez ang suspek na si Junell Gerozaga.
Nahuli si Gerozaga ng pinagsanib na puwersa ng Police Regional Office 12 at Makilala Municipal Police Station habang nasa bahay ng isang barangay kagawad na hindi muna pinangalanan.
Ang pag-aresto ay isinagawa batay sa warrant of arrest kaygnay sa kasong pagpatay sa FM radio anchor na si Eduardo Dizon noong 2019.
Nabatid na pauwi na ang biktima sakay ng kotse nang tambangan at pagbabarilin ng dalawang salarin na magkaangkas sa motorsiklo kung saan nakilala ang suspek na si Gerozaga.
Sinabi ni DOJ Assistant Secretary Mico Clavano na ito ay resulta ng pagsisikap ng pamahalaan na gawing ligtas ang bansa para sa mga mamamahayag at pairalin ang rule of law para sa hustisya.