INILABAS ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang guidelines sa boluntaryong paggamit ng face mask sa loob ng mga lugar ng trabaho.
Ayon sa DOLE, nauna nang inalis ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mandatoryong paggamit ng face mask sa loob at labas ng bahay sa pamamagitan ng Executive Order (EO) No. 7.
Kaya naman, idineklara ng DOLE, sa pamamagitan ng Labor Advisory No. 22, na ang pagsusuot ng face mask sa lahat ng mga lugar ng trabaho sa pribadong sektor ay boluntaryo na ngayon.
Samantala inilista ng DOLE ang mga sumusunod na eksepsiyon:
Mga health care facilities, kabilang ang mga klinika, ospital, laboratoryo, nursing home, at dialysis clinic;
Medical transport vehicles, tulad ng ambulansya at paramedic rescue vehicle;
Mga pampublikong transportasyon sa pamamagitan ng lupa, hangin, o dagat.
Kaugnay nito hinikayat din ng DOLE ang lahat ng matatanda, immunocompromised, unvaccinated, at symptomatic na mga indibidwal, mga indibidwal na may comorbidities, at mga buntis na kababaihan na ipagpatuloy ang pagsusuot ng face mask.