INATASAN na ni Tourism Secretary Cristina Garcia Frasco ang kanyang mga tauhan sa Department of Tourism (DOT) Region 7 na agad makipag-ugnayan sa mga pasahero ng Korean Air na sumadsad sa Mactan Cebu International Airport kagabi.
Sinabi ng kalihim, dapat matiyak na nasa maayos na kalagayan ang mga naapektuhang pasahero ng eroplano.
Base sa nakuhang report ng DOT, mayroong 112 foreign nationals, 32 balikbayan at 18 OFW’s ang sakay ng nasabing eroplano na agad namang nabigyan ng tulong tulad ng accommodation, medical assistance at pagkain.
Mahigpit din ang ginagawa na koordinasyon ngayon ng Tourism Department sa pamunuan ng Korean Airlines, Mactan Cebu International Airport, Department of Transportation, Civil Avaiation Authority at GMR Mega World Cebu Airport Corporation para maasikaso ang mga stranded na pasahero.
Samantala, mayroon namang 530 na mga papaalis sanang foreign nationals ang naapektuhan ng tigil-operasyon sa Mactan Airport ang agad namang tinulungan ng DOT at dinala na sa mga hotel na malapit sa paliparan.