ARAW-araw, libu-libong pasahero ang nagsisiksikan at mainit na pumipila sa immigration counters ng NAIA, bitbit ang pagod, kaba, at minsan ay pangambang maiwan ang kanilang flight.
At ilang pasahero na ba ang nagpaabot ng kanilang hinaing sa ilang oras na paghihintay bago makalusot sa inspeksiyon?
Ngayon, kumilos na ang mga ahensiyang may tungkulin para resolbahin ito.
Pinangunahan nina DOTr Senior Undersecretary Atty. Giovanni Lopez, BI Commissioner Atty. Joel Viado, at MIAA General Manager Eric Ines ang paglagda sa memorandum of agreement na ginanap sa San Juan City.
Layon ng kasunduan na mabawasan ang abala ng mga pasahero sa NAIA, partikular sa immigration area. Sa naging pagpupulong ng mga ahensiya, lumitaw na ang pangunahing sanhi ng mahabang pila ay ang kakulangan sa immigration personnel.
Ayon kay MIAA General Manager Eric Ines, bubuo ng joint technical working group upang pag-aralan ang pondong kakailanganin para maisakatuparan ang kasunduan. Isa sa tinitingnang budget ay tinatayang aabot sa limang milyong piso kada buwan.
Samantala, inamin ni BI Commissioner Atty. Joel Viado na patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga pasahero sa paliparan. Aniya, higit sa 100 immigration officers ang kinakailangan upang maibsan ang kasalukuyang backlog at matiyak ang maayos na serbisyo.