KINUMPIRMA ni Transportation Secretary Vince Dizon na higit 80 drayber ng mga pampasaherong sasakyan ang nag-positibo sa ilegal na droga matapos magsagawa ng random drug testing ang mga ahensiya ng pamahalaan sa mga terminal ng bansa.
Ang drug test ay isinagawa kasabay ng pagdiriwang ng Semana Santa bilang bahagi ng kampanya laban sa ilegal na droga at upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero sa mga pampasaherong sasakyan.
Sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), higit 3,000 PUV drivers ang sumailalim sa drug test nito lamang Abril 16 sa mga terminal ng iba’t ibang rehiyon ng bansa.
Kabilang sa mga nagpositibo sa ilegal na droga ang mga drayber ng jeep, bus, tricycle, UV Express, mini-bus, taxi, at motorcycle taxi—pati na rin ang ilang kundoktor ng mga bus.
Ayon kay DOTr Secretary Dizon, ang resulta ng drug test ay hindi katanggap-tanggap, lalo’t ang kaligtasan ng mga pasahero ang pinakamahalaga.
“Kaya, this week o ngayong Lunes ay ipinapatawag ng LTO lahat ng drayber na ‘yun. Pasensyahan na lang talaga tayo may mabibigat na penalty ‘yan kasi hindi natin isa-sakripisyo ang safety ng mga kababayan natin, napaka-importante ng safety,” wika ni Secretary Vince Dizon.
Hindi rin inaalis ni Dizon ang posibilidad na tuluyang masuspinde ang lisensiya ng mga nag-positibong drayber.
“Makakaasa kayo na hindi kami nagbibiro, masu-suspinde ‘yan, kaya siguro umayos-ayos kayo,” ani Dizon.
Ang pahayag na ito ni DOTr Secretary Vince Dizon ay kasunod ng isinagawang inspeksiyon sa MRT-3 nitong umaga ng Lunes.
Sa kaniyang pag-iikot, kasama niya sina DICT Secretary Henry Aguda at MRT-3 General Manager Michael Capati, upang masiguro ang kondisyon ng mga pasilidad at serbisyo sa mga pasahero.
Simula nitong Lunes, Abril 21, ay nag-deploy ng tatlong 4-car trains ang MRT-3 tuwing rush hour na makatutulong na mapagaan at mapabilis ang biyahe ng mga pasahero.
Sa ngayon, pag-aaralan ang pag-implementa ng cashless payment sa mga bumibili ng single journey ticket.