DOTr, handang tugunan ang hinaing ng publiko hinggil sa problema sa public transport

DOTr, handang tugunan ang hinaing ng publiko hinggil sa problema sa public transport

HINIKAYAT ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) ang publiko na tulungan ang gobyerno sa pamamagitan ng pagpaabot ng kanilang mga hinaing sa tanggapan ng ahensiya.

Sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na handa silang makinig sa anumang panawagan o suhestyon ng publiko.

“Alam ninyo po, ang mga solusyon sa mga problema ay hindi ho namin lahat maiisip. But kung kayo po ay magsasabi sa amin ng inyong mga suggestions, recommendations ay matutulungan ninyo po kami na ma-solve itong ating mga problema na ito,” pahayag ni Bautista.

Kasabay rin nito ang apela ng DOTr sa mga komyuter na sumunod sa mga itinakdang patakaran sa public transport.

Samantala, nitong nakaraang linggo, nagsagawa ng surprise inspection si Bautista at sinubukan mismong mag-commute sa MRT-3.

Kasunod ng ginawang inspeksyon, mayroong kaunting obserbasyon ang kalihim na madali aniyang mai-implementa.

Unang-una, nakita ni Bautista na malinis nga ang comfort rooms pero kulang naman ng amenities.

 “So, I already discussed this with USec. Cesar Chavez and immediately they will install a bidet doon sa mga comfort rooms natin,” ani Bautista.

Bukod dito, dapat din aniyang ilagay sa tamang lugar na madaling ma-access ng mga pasahero ang customer assistance group sa istasyon.

“Kasi iyong customer service area nila nandoon lang sa tinatawag na “paid” area, so, ang makakapagtanong lang ay iyong mga nakapagbayad na, iyong mga nakapila, hindi nila makakausap iyong mga employees ng MRT na dapat sumagot sa kanilang mga katanungan ‘no,” aniya pa.

Pagdating naman sa medical equipments, nakita rin ni Bautista na available lang pala ito sa 5 stations mula sa 16 na istasyon ng MRT-3.

 “So, kinausap ko iyong mga tao doon sa mga stations and tinanong ko, “Papaano kung mayroong medical emergency iyong isang station?” Ang ginagawa daw nila ay magpadala ng tao at sasakay sa train para mag-attend doon sa medical requirements. Ang sabi ko, “Alam mo, iyong mga equipments na iyan [ay] hindi naman masyadong mahal iyan.” Kumbaga, we can provide all these medical equipments sa lahat ng station which they will consider ‘no,” aniya pa.

Maliban sa MRT-3, may plano namang mag-inspeksyon si Bautista at subukang mag-commute sa iba pang uri ng public transportation sa bansa.

Sinabi ni Bautista na handa siyang sumakay sa bus at jeep para makita rin kung ano ang kailangan pang i-improve dito.

Aniya, game din ang chairman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na si Attorney Cheloy Garafil na sumabay sa pagsakay ng bus at jeep.

 “Well, sa totoo lang, nakita ko iyong hirap ng mga pasahero by just looking at the lines ‘no. But, alam mo, ako ay willing na sumakay diyan sa mga bus na iyan at even kaninang umaga [ay] kausap ko ang Chairman ng LTFRB at sinabi ko sa kaniya, “Tayong dalawa, let’s try riding the bus and the jeep” and sabi niya, game daw siya,” ayon kay Bautista.

 

Follow SMNI News on Twitter