DOTr, pinag-aaralan ang paghingi ng tulong sa NPO para tugunan ang kakulangan ng license card

DOTr, pinag-aaralan ang paghingi ng tulong sa NPO para tugunan ang kakulangan ng license card

PINAG-aaralan na ngayon ng Transportation Department ang posibilidad sa pagkuha ng serbisyo ng ibang ahensiya ng pamahalaan upang matugunan ang problema ng suplay ng plastic cards para sa driver’s license.

Sa pahayag ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista nakikipag-ugnayan na sila sa National Printing Office (NPO) para tumulong sa pagsuplay ng license cards.

Inihalintulad ni Bautista sa proseso ng bidding para sa pagbili ng mga lisensiya ng mga tsuper ang pagkomisyon sa NPO para tugunan ang agarang pangangailangan dito.

Maliban sa NPO, sinabi rin ni Bautista na makikipag-ugnayan din sila sa APO Production Unit kaugnay ng usapin.

Batay sa umiiral na mga batas at regulasyon, kailangan ng Central Bids and Awards Committee (BAC) ng karagdagang detalye bago isapinal ang “agency-to-agency arrangement” sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement.

Kasalukuyang mayroong “competitive bidding” para sa mga license card, at nagtakda na rin ng deadline sa pagsusumite maging sa opening bids sa Mayo 24, 2023.

Samantala, kasalukuyang tinutugunan ng Bids and Awards Committee ang natatanggap nilang mga isyu at komento mula sa “prospective bidders” ukol sa Terms of Reference (TOR) na isinumite ng Land Transportation Office (LTO) noong Marso 21.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter