HINDI pa man nakaka-isang linggo bilang kalihim ay nagpakita na si Transportation Secretary Vince Dizon ng kanyang pagkadismaya sa Land Transportation Office (LTO), na isang attached agency ng DOTr.
Kaugnay ito ng matagal nang problemang bumabalot sa pagproseso ng mga plaka para sa motorsiklo at maging sa mga 4-wheeled vehicles.
Ayon kay Dizon, nagsimula pa noong 2014 ang isyu ng backlog sa mga plaka, pero hanggang ngayong 2025, nananatili itong hindi pa rin ganap na nareresolba.
Isang malinaw na direktiba ang inilabas ng kalihim kailangang matugunan ng LTO ang problemang ito ngayong taon, lalo na’t karamihan sa mga may-ari ng motorsiklo ay matagal nang bayad sa kanilang mga plaka, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin nila ito natatanggap.
“Kailangan ang mindset ng mga regulatory agencies ng gobyerno (jump) the heart of government service or government work is ‘yung kapakanan ng publiko at tayo dapat ay hindi nagpapahirap,” Sec. Vince Dizon.
Dahil dito, hinamon ni Dizon ang LTO na magbigay ng refund o ibalik ang bayad ng mga motorista na matagal nang naghihintay sa kanilang mga plaka.
“Kaya ba natin ibalik ‘yun? Diba? Kaya na ba finally 2025 na 2014 pa nagsimula ang problemang ‘yan. Puwede na ba natin finally maibigay ang lahat ng backlog ng mga motorsiklo at puwede ba moving forward puwede ba 24, 48, 72 hours puwede na ba makuha na nila ‘yung plaka nila both motorcycle and 4-wheeled vehicles. Hindi naman siguro mahirap ‘yun, I will post that challenge and we will see if the LTO can deliver,” saad ni Sec. Vince Dizon.
Naniniwala rin ang bagong kalihim na dapat laging may malinaw na deadline ang bawat trabaho sa gobyerno.
“Kasi, kung walang deadline natural lang na babanjing-banjing ka lang hindi ka pressured kung walang deadline from now on hindi puwede na walang deadline,” ani Dizon.
Sa panig naman ng LTO, tiniyak nitong susunod sila sa utos ng bagong kalihim ngunit humihiling din sila ng suporta mula sa DOTr.
“Gagawin natin ‘yung instructions ni Secretary Vince. Pero, ang kagandahan diyan ang lahat naman ng kailangan ng LTO ay susuportahan niya. So, I don’t think we will have a problem meeting our deadline,” wika ni Asec. Vigor Mendoza II
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, higit 5.8 milyon pa ang backlog sa mga plaka ng motorsiklo.
Sa kabila nito, kumpiyansa si Mendoza na kaya nilang tapusin ang backlog sa mga darating na buwan.
“Very achievable ‘yan (jump) that’s for the production ng LTO and kaya namin ma-achieve ‘yan in the next on or before June this year,” ani Mendoza.
Pero pagdating sa refund ng mga ibinayad na ng mga motorista, aminado ang LTO na malabo na nila itong maibalik sa mga may-ari.
“Pag-aaralan natin ‘yan kasi wala namang hawak na pondo si LTO for refund purposes wala sa budget namin,” saad nito.
Dagdag pa ni Mendoza, hindi rin nila kayang ipatupad ang bente-kwatro hanggang pitumpu’t walong oras na pagproseso ng plaka dahil nakasaad sa Citizen’s Charter ng ahensya na maaari itong umabot ng hanggang labinlimang araw.
“Our biggest challenge diyan kasi gaya ng sinabi ko nagsimula 13 million, 10 years problem ito and we hope to solve within this year,” sabi ni Asec. Mendoza.
Sa gitna ng matagal nang problema sa backlog ng mga plaka, patuloy raw’ng minamadali ng DOTr at ng LTO ang pagresolba rito. Sa inilatag na ultimatum ni Secretary Vince Dizon, inaasahan namang magkakaroon ng konkretong hakbang para mapabilis ang distribusyon ng mga plaka na matagal nang bayad ng mga motorista.
Ang hamon ngayon—kailangang tuparin ng LTO ang pangako nitong tapusin ito sa loob ng taon.