PATULOY ang pagsisikap ng Department of Transportation (DOTr) na gawing mas episyente at maginhawa ang pampublikong transportasyon, kaya sorpresang bumisita si Transportation Secretary Vince Dizon sa ilang istasyon ng Metro Rail Transit (MRT-3).
Kabilang sa pinuntahan ni Dizon ang mga istasyon ng Taft Avenue, Ayala, at Shaw ng MRT-3.
Sa gitna ng kaniyang inspeksiyon, personal na kinausap ng kalihim ang ilang mananakay upang marinig mismo ang kanilang mga reklamo at pangangailangan—mula sa mahabang pila at siksikang tren, hanggang sa kakulangan ng pasilidad na magpapadali sa kanilang biyahe.
Kasama sa pag-iikot ni Dizon si Undersecretary for Railways Timothy John Batan upang masusing suriin ang bawat aspeto ng operasyon ng MRT-3.
Bilang tugon sa mga natukoy na suliranin, inatasan ng kalihim ang agarang pagpapabuti ng sistema ng pila upang maging mas mabilis at organisado ang pagsakay ng mga pasahero. Kasabay nito, sisiguraduhin din ang mas maayos na daloy ng commuters papasok at palabas ng mga istasyon upang maiwasan ang pagsisiksikan, lalo na sa rush hour.
Plano ring tugunan ang mga pangunahing isyu sa imprastraktura—kasama na ang paglalagay ng mas maraming ilaw sa madidilim na bahagi ng istasyon para sa seguridad ng mga pasahero. Bukod rito, nakatakdang itayo ang mga covered walkway na magdurugtong sa istasyon ng tren patungo sa mga pangunahing sakayan ng bus at jeep upang protektahan ang commuters mula sa init at ulan.
Kasama rin sa mga agarang hakbang ang pagpipintura ng mga pasilidad upang bigyang-buhay ang mga istasyon, pati na ang pagsasaayos ng mga sirang card carousel para naman mapabilis ang pagbili at paggamit ng ticketing system.