PATULOY ang ginagawang pagsusuri ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa iba’t ibang imprastraktura sa bansa upang matiyak ang kanilang tibay at kakayahang makaligtas sa matinding lindol.
Ayon kay DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral, hindi lamang mga pampublikong imprastruktura ang kanilang binibigyang-pansin kundi pati na rin ang mga paaralan at pasilidad pangkalusugan.
Ayon kay Cabral, tinututukan ng DPWH ang retrofitting o pagpapalakas ng mga gusali upang matiyak na makasasabay ang mga ito sa international earthquake standards.
“Pero mayroon na rin kaming natapos na retrofitting. Ang ibig lang sabihin ng retrofitting ay iakyat ang kaniyang standard para sa international earthquake standards, iyon po,” ani Usec. Maria Catalina Cabral, DPWH.
Sa National Capital Region (NCR), nakumpleto na ng DPWH ang assessment ng mahigit 124 pampublikong gusali. Ibinahagi rin ni Cabral na may pakikipagtulungan na ang DPWH sa World Bank upang matiyak na ang 425 pampublikong gusali ay maisasailalim sa retrofitting at masisiguro ang kanilang katatagan laban sa lindol.
Mas malawak na pakikipagtulungan ng pribadong sektor, kailangan para sa disaster preparedness
Samantala, binigyang-diin ni Office of Civil Defense (OCD) Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno ang pangangailangan ng pangmatagalang solusyon upang matiyak ang kahandaan ng bansa sa panahon ng matinding kalamidad.
Ayon kay Nepomuceno, matagal ang proseso ng pagsusuri sa mga gusali, lalo na’t milyun-milyong bahay sa bansa ang posibleng kailangang sumailalim sa assessment at retrofitting.
“Hindi po sa hindi madaling gawin—matagal lang po talagang gawin kasi napakaraming bahay at hindi naman po pagmamay-ari iyan ng pamahalaan,” ayon kay Usec. Ariel Nepomuceno, Administrator, Office of Civil Defense.
Dahil dito, sinabi ni Nepomuceno na palalakasin ng gobyerno ang pakikipagtulungan sa pribadong sektor upang mabawasan ang panganib ng matinding pinsala kapag tumama ang “The Big One.”
“We have formally signed agreements with the Chamber of Mines, the academic community such as UP and other educational institutions. And then, we are strengthening our partnership with the Association of Civil Engineers of the Philippines—organizations like that so that the government will not be doing the management for disaster alone,” dagdag ni Nepomuceno.
DPWH, sinusuri ang tibay ng riles ng tren laban sa malakas na lindol
Samantala, sinabi ni Usec. Cabral na nagbigay na ng technical assistance ang DPWH sa Department of Transportation (DOTr) upang masuri ang structural integrity ng Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT).
“Humingi po ng tulong ang LRTA sa DPWH kasi kami naman po ay nagbibigay ng technical assistance hindi lang po sa local government unit, pati sa ibang ahensiya,” wika ni Usec. Maria Catalina Cabral, DPWH.
Dagdag pa niya, handa rin ang DPWH na magbigay ng tulong sa iba pang ahensiya na nais ipa-assess ang kanilang mga pampublikong gusali upang matiyak na ito’y ligtas sa anumang sakuna.
Ang “Big One” ay isang posibleng malakas na lindol na maaaring dulot ng paggalaw ng West Valley Fault, na tinatayang makakalikha ng magnitude 7.2 na lindol—isang lakas na maaaring magdulot ng malawakang pinsala sa Metro Manila at mga karatig na lugar.
“Early 1990s, nag-perk up iyong interes ng mga tao about the West Valley Fault, and after that, we’ve been telling the people that this is capable of generating this magnitude 7.2 earthquake because that’s the length of the fault,” saad ni Dir. Teresito Bacolcol, PHIVOLCS.
Follow SMNI News on Rumble