Drayber ng SUV na umararo sa mga sasakyan sa Mandaluyong, tatanggalan na ng lisensya

Drayber ng SUV na umararo sa mga sasakyan sa Mandaluyong, tatanggalan na ng lisensya

TATANGGALAN na ng lisensya sa pagmamaneho ang drayber ng SUV na umararo ng 12 sasakyan at ikinasugat ng 13 indibidwal sa Mandaluyong City noong Enero 10.

Batay ito sa inirekomenda ng Intelligence and Investigation Division (IID) ng Land Transportation Office (LTO) matapos ang kanilang isinagawang imbestigasyon sa insidente.

Ayon kay LTO-IID Officer-In-Charge Renan Melitante, nagbigay na ng judicial affidavit si Dominador Braga, 54-anyos, at kanyang inamin na siya ang nagmamaneho ng SUV nang mangyari ang nasabing aksidente.

Sakaling bawian na at muling naisin ni Braga na kumuha ng lisensya ay daraan na ito sa mahigpit na proseso bago maaprubahan.

Sa ngayon ay nakapiit si Braga sa Mandaluyong City Police Custodial Center.
Nauna nang sinuspindi ng LTO ng 90-araw ang lisensya ng dalawang drayber na sakay ng SUV kasunod ng aksidente.

Sinabi pa ni Melitante na sakaling tuluyang mapanagot sa kasong reckless driving ang drayber ng SUV , mananagot din ng katulad na parusa ang may-ari ng sasakyan.

Follow SMNI NEWS in Twitter