DSWD, balak magbigay ng P1,000 tip sa mga dapat matanggal sa 4Ps

DSWD, balak magbigay ng P1,000 tip sa mga dapat matanggal sa 4Ps

BALAK magbigay ng tip ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa magre-report ng mga dapat matanggal sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Ito’y matapos imandato sa kanila ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na linisin ang listahan ng mga tumatanggap ng benepisyo.

Dahil dito ay magpatutupad ng amnesty ang DSWD para maisuko ang cash card ng lahat ng mga hindi na dapat kasali sa programa.

Ayon kay DSWD Secretary Erwin Tulfo, abala sila ngayon sa pagpupurga sa listahan.

“Kapag tsinitsek naman namin sa 4Ps listing namin wala naman sila doon. Ibig sabihin hindi sila beneficiary, so maraming ganon tumatawag sa hotline namin kaya’t agad naming sinisilip di ba, wala naman,” pahayag ni Tulfo.

Bukod dito ay personal silang nagbabahay-bahay para linisin ang listahan.

“Tapos pinapadalhan namin ng tao para silipin, tama nga naman sa bahay nga nabato pero wala siya sa listahan ng 4Ps, ibig sabihin hindi siya tumatanggap ng 4Ps,” ayon pa ni Tulfo.

At upang doble tiyak sila na magagawa ang trabaho, balak din ng DSWD na magpatupad ng reward system.

May P1,000 pabuya para sa makapagbibigay ng tip sa kung sino ang dapat maalis sa 4Ps.

“We haven’t started that kasi patuloy pa, ongoing yung paglilinis namin sa listahan,” ani Tulfo.

“Siguro after that tapos may naririnig pa rin tayo sa mga kababayan natin na nagrereklamo, eh ipapaumpisahan na natin yung pagbibigay ng reward na P1,000 doon sa mga kapitbahay na kakilala na hindi naman dapat benepisyaryo,” dagdag ng kalihim.

Sa 4Ps, P300 ang budget ng isang bata na nag-aaral sa elementary, P500 naman para sa mga nasa junior high at P700 sa senior high.

Bukod pa diyan, may P750 din na health grant at P6,000 na rice subsidy kada dalawang buwan ang payout sa 4PS.

Ang minimum na natatanggap sa programa ay P1,650 kada buwan o P3,300 sa dalawang buwan.

Ang maximum payout, nasa P3,450 kada buwan o tumataginting na P6,900 para sa dalawang buwan.

Follow SMNI News on Twitter