MAKALIPAS ang mahigit dalawang linggo mula nang sumabog ang Bulkang Kanlaon ay marami pa ring mga apektadong pamilya ang nananatili sa mga evacuation center.
Batay sa pinakahuling tala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong umaga ng Miyerkules, nasa kabuuang 51,000 ang mga apektadong indibidwal o 15,000 pamilya sa 23 na mga barangay sa Region VI at Region VII.
Kaya naman, marami pang trabaho ang dapat gawin ng DSWD sa mga rehiyong ito ayon kay DSWD Undersecretary Edu Punay.
Iniulat ni Punay na nakapamahagi na ang ahensiya ng mahigit P26-M halaga ng tulong sa nabanggit na dalawang rehiyon na apektado ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon.
“Tuluy-tuloy iyong ating mga operations sa ating regions particular dito sa Kanlaon ano, tuloy pa rin ang ating mga relief and early recovery operations,” saad ni Usec. Edu Punay, DSWD.
Base rin sa datos ng DSWD, nasa mahigit dalawang libo at walong daang (2,800) pamilya pa ang nananatili sa limang mga evacuation center.
Una nang nakapamahagi ng tulong pinansiyal ang ahensiya para sa pagtatayo muli ng nawasak na ari-arian o bahay ng mga biktima. At may kasama ring family food packs, hygiene kits, at sleeping kits.
“Mayroon tayong early recovery phase kung saan puwede nang bumalik sa mga tahanan nila itong mga kababayan natin at sila’y binibigyan natin ng emergency cash transfer assistance kung saan maximum of fifteen thousand cash para naman makatulong na panimula nila dahil mga nawalan ng bahay po ito, nasalanta iyong kanilang mga tahanan at kailangan ng panimula para sa bagong buhay nila,” ani Punay.