PATULOY na lumalalim ang hidwaan ng Senado at Kamara sa usaping pera, bukod kasi sa kontrobersiyal na People’s Initiative (PI), isang programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na naman ang kanilang pinagtatalunan.
‘‘Hindi po siya kasama but then ito po ‘yung sa mga deliberation ‘yung mga nababanggit din natin na iniisip natin na near poverty program po natin sa minimum wage,’’ ayon kay Asec. Romel Lopez, Department of Social Welfare and Development.
‘Yan ang sagot ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa tanong kung programa ba nila ang Ayuda sa Kapos sa Kita Program (AKAP) na pinondohan ng P26.7-B ngayong taon.
Wala aniya kasi ito sa 2024 National Expenditure Program o ang budget proposal na isinumbit ng Executive Department sa Kamara.
Kahit nga si DSWD Secretary Rex Gatchalian, hindi maipaliwanag kung bakit may AKAP Program sila ngayong taon.
Si Gatchalian na dating kongresista, pinasasagot sa mga mambabatas na miyembro ng Bicam kung saan galing ang AKAP?
‘‘Noong nag-hearing kami wala pa talaga iyan, pero hindi rin namin kayang sumagot kung ano ang nangyari during the Bicameral Conference Meeting,’’ saad ni Sec. Rex Gatchalian, Department of Social Welfare and Development.
Ang mga senador, nagulat na may ganoong programa ang DSWD ngayong taon.
Sinita rin nila kung paano ang implementasyon ng bilyong-bilyong budget sa AKAP lalo’t wala anila itong implementing rules and regulations.
‘‘Ako rin medyo naging curious doon sa AKAP na ngayon ko lang narinig, ‘no. Siguro, can I ask the DSWD what is this program about? Is it just between the House and the [DSWD] kasi wala ‘ho kami sa Senate na alam niyan. So, is it with DSWD and House of Representatives, ‘yung program na ‘yon?” tanong pa ni Sen. JV Ejercito.
Pero ang mga kongresista, nanindigan na alam ng mga senador ang AKAP.
Nilinaw rin nila na maganda ang intensiyon ng programa – ang bigyang ayuda ang mga minimum wage earner.
Mga kongresista, iginiit na alam ng mga senador na may AKAP Program sa 2024 budget
‘‘This is my signature and this proves that I have read the Bicameral Conference Committee Report and I understood the contents of the report. So, malinaw po dito na alam po nila dapat ang nilalaman ng Bicameral Conference Committee Report,’’ ayon kay Rep. Jil Bongalon, Ako-Bicol Party-list.
Aminado naman ang ilang taga-Minorya sa Kamara na sa Bicam isiningit ang AKAP Program.
Nagulat nga rin anila sila na may ganoong programa.
‘‘Were in fact, malinaw po last December, dalawang beses po nag-meet ang Bicameral Conference Committee at napag-usapan itong programang AKAP ng DSWD,’’ ayon pa kay Rep. Bongalon.
Sa huli, nanawagan sila sa mga senador na sana’y huwag siraan ang kanilang mga tropa sa Kamara.
Kahit na ginagawa lang din ng Senado ang trabaho nila sa check and balances sa pamahalaan.
Dahil nga Bicameral set-up ang pagbuo ng mga polisiya- dapat ang Senado at Kamara ay nagkakaisa.
‘‘Meron siyang a total of P26.7-B and nowhere does it state that it’s going to be used for the People’s Initiative,’’ ayon naman kay Rep. Geraldine Roman, Bataan 1st District.