Duterte, binisita at inabutan ng tulong ang mga apektado ng Bagyong Agaton

Duterte, binisita at inabutan ng tulong ang mga apektado ng Bagyong Agaton

NAKIPAGKITA kamakailan si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa mga opisyal ng concerned government agencies at local government units (LGUs) para i-assess ang pinsalang dulot ng Bagyong Agaton.

Pinangunahan din nina Duterte at Senator Christopher ‘Bong’ Go ang pamimigay ng tulong sa mga nasalanta ng bagyo sa Baybay City Senior High School.

Sa nasabing aktibidad, namigay ang tanggapan ni Go ng mga pagkain, food packs, mask at bitamina sa mga apektadong pamilya.

Magkahiwalay na namahagi ng tulong sa mga biktima ang mga kinatawan mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Office of Civil Defense (OCD).

Kasunod nito, nagsagawa rin si Pangulong Duterte ng  aerial inspection kasama si Go sa mga lugar na apektado ng Bagyong Agaton para suriin ang lawak ng pinsalang dulot ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa.

Binisita naman ng Pangulo ang Malasakit Center sa Western Leyte Provincial Hospital (WLPH) sa Baybay City, Leyte kasama sina Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III at Senator Go.

Nag-abot ng tulong sina Duterte at Go sa mga sugatang bata at matatanda  na nasa mga serbisyo ng outpatient ng Western Leyte Provincial Hospital.

Hinikayat naman ni Go ang mga nasalanta ng bagyo na humingi ng tulong medikal sa alinman sa apat na Malasakit Center sa lalawigan ng Leyte kabilang dito ang New Western Leyte Provincial Hospital sa Baybay City.

Matatagpuan naman ang iba pang Malasakit Centers sa Eastern Visayas Regional Medical Center sa Tacloban City;  Leyte Provincial Hospital at Governor Benjamin T. Romualdez General Hospital sa Palo; at Ormoc District Hospital sa Ormoc.

Pinangunahan din ni Pangulong Duterte ang groundbreaking ceremony sa Capiz Multi-Purpose Evacuation and Convention Center – Phase 1 sa kanyang pagbisita sa Barangay Lawaan sa Roxas City, Capiz.

Tiningnan din ng Pangulo ang sitwasyon ng mga evacuee sa Pontevedra Elementary School Evacuation Center sa Pontevedra, Capiz.

Tiniyak naman ng Pangulo na tuloy-tuloy ang pagbibigay ng food assistance sa mga biktima ng bagyo sa bahagi ng Visayas at Mindanao.

Sa natitirang mahigit dalawang buwan na panunungkulan, nagbigay garantiya ito na igugugol din niya ang kanyang panahon sa pagtitiyak na mapagkakalooban din ng shelter assistance ang mga biktima ng kalamidad.

Tiniyak din ng Malakanyang na mahigpit ang pagmomonitor ng pamahalaan sa sitwasyon sa typhoon-hit areas, maging sa response efforts ng gobyerno.

Follow SMNI News on Twitter